Kahalagahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo
- BULGAR

- Apr 21, 2019
- 2 min read
TAUN-TAON, ginugunita natin ang Semana Santa mula Lunes Santo hanggang Miyerkules Santo, napupuno ang iba’t ibang Simbahan ng mga tao na may panatang dumalaw at magdasal sa pitong Simbahan, ito ang Visita Iglesia. Taun-taon, sinisikap ng mga parukyano na dumalaw sa mga Simbahan na hindi pa nila nakikita o nadadasalan. Malaking tulong ito sa mga nagsisikap magbalik-loob sa Diyos at magbagumbuhay.
Kailangang matutunan ng bawat Kristiyano ang pag-asa sa Diyos at kapag iginiit ng Kristiyano ang kadiliman at kawalan ng pag-asa ng ating bansa, makabubuti kung lumayo at dumalaw siya sa mga kakaiba at banal na lugar upang matunghayan ang isa pang bahagi ng mukha at kalooban ng Panginoong Diyos. Marami sa mga dumalaw sa mga naturang hindi kilalang banal na lugar ay nagsasabing, “oo, tunay na nakilala nila ang ibang mukha at espiritu ng Diyos.” Masaya sila sa paglawak at paglalim ng kanilang pang-unawa at pagmamahal sa Simbahan dahil sa iba’t ibang santong patron na nagpapakilala ng bago at kakaibang katangian ng Diyos at ng Simbahan na sumasamba at nagpapalaganap sa pananampalataya ng mga Katoliko.
Mula Huwebes Santo hanggang gabi ng Sabado de Gloria at madaling-araw ng “Salubong” o Linggo ng Pagkabuhay, kakaibang damdamin, pagnanais na magbago, magsisi sa kasalan at taimtim na sumunod sa pagtawag ng Panginoon ang mamamayani.
Noong Huwebes Santo, sinong pari ang hindi mananariwa ang pagmamahal sa Diyos at sa mga Kristiyano na pinagkatiwalaan ng Diyos na alalayan sa pananampalataya at buhay-espirituwal? Buong galak na ipinagbigay-alam ni Bishop Honesto Ongtioco ng Diyosesis ng Cubao na 255 pari ang dumalo sa misa ng Krisma. Maganda at marubdob ang mensahe ng Obispo. Sapat nang tingnan ng mga pari ang dami ng mga dumalo upang sariwain ang pagtalaga ng sarili sa Diyos at sa kanyang Simbahan.
Kinahapunan, nakaaantig ng damdamin ang paghuhugas ng mga paa ng nahirang na apostoles sa taong ito. Dahil si HesuKristo ang sinusunod hindi lang ng mga pari kundi ng bawat Kristiyano, nararapat lang na isabuhay ang diwa at espiritu ng paghuhugas ng mga paa. Susundan ito ng hapunan ng apostoles kasama ng kanilang kura-paroko. Sa lahat ng ito, masaya at mayaman ang bahaginan ng mga apostoles at kura-paroko.
Noong Biyernes Santo, mula sa Senakulo sa iba’t ibang parokya hanggang sa Siete Palabras; pagbasa ng Pasyon ng Panginoon; pagbibigay-komunyon; pagsamba sa krus ni HesuKristo at prusisyon nina Birhen Dolorosa at Santo Intiero, imposibleng hindi tayo maluha sa ating mga nakikita, naririnig at nararamdaman.
Pagsapit ng misa ng Sabado de Gloria kung kailan babasbasan ang apoy na pagsisindihan ng kandila ng Paskuwa at maluwalhating misa ng Linggo ng Pagkabuhay tampok ang pagsasariwa ng mga pangako sa ating binyag, sasambulat ang liwanag kasabay ang muling pag-awit ng Gloria upang ipahayag ang tagumpay ng Panginoon.
Paano isusuko ng tunay na Kristiyano ang buhay at maalab na pag-asa sa Panginoon sa kabila ng mabibigat na problemang pinagdaraanan din ng Inang Bayan? Lapat sa buhay ni HesuKristo ang pagdurusa ng Inang Bayan at ng kanyang mga mahal na anak.
Maghintay at magtiwala tayong makababangon at muli tayong mabubuhay kasama ni HesuKristo sa “ikatlong araw.”
Mainit na pagbati ng maligaya at mapagpalang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong HesuKristo.




Comments