Palatandaan upang matukoy ang stroke

Dear Doc. Shane, Mayroong history ng stroke ang aming pamilya dahil namatay sa sakit na ito ang aking lolo, gayundin ang aking tiyuhin. Paano malalaman kapag stroke ang tao at paano ito maiiwasan? Maaari bang pakitalakay ito para na rin sa kaalaman ng karamihang mambabasa. — Dindo
Sagot Naniniwala ang maraming health care expert sa iba’t ibang bahagi ng mundo na ang pag-alala sa acronym na FAST para makatulong na matukoy ang stroke at maiwasan ang pangmatagalang pinsala nito.
Narito ang ibig sabihin ng FAST:
F- para sa face — kung ang mukha ng tao ay mukhang kakaiba kaysa sa karaniwan niyang hitsura. A- para sa arm — kung mapapansin nating nakalaylay ang isa niyang braso. S- para sa speech — itsek kung makabibigkas ba siya ng malabo o kung may iba pang palatandaan ng problema niya sa pagsasalita. T- para sa time — tumawag sa emergency hotline para makakuha agad ng atensiyong medikal.
Sa maraming kaso ng stroke, tinukoy na karaniwang gamutan para rito ay ang tissue plasminogen activator, ang treatment na kilala rin bilang TPA. Rito, ipinadaraan ang gamot sa artery o vein para matunaw ang cloth at maibalik ang pagdaloy ng dugo sa utak.
Ang revascularization ay isa pang treatment kung saan inilalagay ang micro-catheters sa loob ng artery para matanggal ang bumara sa ugat.
Isang preventive measure rin laban sa stroke ang pagbabago ng lifestyle na makapagliligtas ng ating buhay.
Bagama’t, ang stroke ay isa sa mga pangunahing sakit na nakamamatay, ang magandang balita ayon sa mga eksperto, nasa 80 porsiyento na maiiwasan ito.
Narito ang ilang paraan na makatutulong upang maiwasan ito:
Bawasan ang pagkonsumo ng asin — mapapababa nito ang blood pressure kasabay sa pagbaba rin ng panganib ng stroke.
Ugaliing magkaroon ng regular na ehersisyo.
Sikaping magkaroon ng healthy diet — kumain ng mga masusustansiyang pagkain tulad ng mga prutas at gulay.
Bawasan ang LDL o bad cholesterol.
Iwasan ang paninigarilyo.
Sikaping magkaroon ng sapat na tulog.
Hanggat maaari ay umiwas sa mga bagay na nakapagdudulot ng stress.
Iwasan ang madalas na pag-inom ng alak.





Comments