Naghugas ng mga paa

Salaminin natin ang panaginip ni Maribel ng Maribel_Alteza_Clemente @facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip na naghugas ng mga paa?
Naghihintay,
Maribel
Sa iyo Maribel,
Alam mo, iha, ngayong Holy Week, bukod sa pagpepenitensiya at pagbabasa ng pasyon, makikita rin natin ang mga alagad ng Diyos, partikular na ang mga pari na naghuhugas ng mga paa ng mga pangkaraniwang tao. Ang mga pari ay itinuturing na si Kristo dahil sila ang inilalarawan bilang Panginoon.
Pansamantala, kalimutan mo muna ang mga naririnig at nababasa mo sa mga balita na ang mga pari ay mga phedophilia, manyakis at babaero, gayundin sila ay sobra kung makadelihensiya sa mga tao, lalo na ‘yung balita na ang pari na may mataas na ranggo ay nanghihingi ng pera para sa kanyang sakit.
Masama man ang larawan ng Inang Simbahan ngayon at mukhang pasama pa nang pasama, hindi lang dito sa atin kundi sa halos lahat ng bansa at maging sa sentro ng pananampalataya sa mismong Vatican, hindi pa rin natin maiaalis na ang mga pari ay simbolo ni Lord Jesus Christ.
Tulad ng nasabi na, ngayong Holy Week, huhugasan ng mga pari ang mga paa ng mga tao bilang pag-aalala at paglalarawan sa ginawa mismo ni Kristo sa paghuhugas ng mga paa sa kanyang mga alagad.
Sabi ng iba, ito ay ritwal, pero, ito ang ritwal na may kabuluhan dahil ang paghuhugas ng mga paa ng mga alagad ay nagbibigay ng lihim na mensahe na “ngayong malinis na ang inyong mga paa, humayo at ipangaral ninyo ang mabuting balita pagkatapos maipako si Kristo sa krus ng kaligtasan.
Kumbaga, may bagong misyon ang mga alagad, kaya kailangan ay bagong hugas din sila ng mga paa. Hindi na sila simpleng tagasunod lang ni Kristo kung sila na ang mga mangangaral dahil ang mga alagad ay walang ginawa kundi sumunod nang sumunod kay Kristo, kumbaga, kung saan siya nagpupunta, nandu’n ang kanyang mga alagad.
Ano ngayon ang koneksiyon nito sa iyong panaginip na naghuhugas ka ng mga paa? Ibig sabihin, ibinabalita ng iyong panaginip na may bagong misyon ka sa buhay mo — bagong pangarap at bagong gustong gawin.
Alam mo, iha, ang isa sa lihim na aral ni Kristo para magtagumpay ang tao sa kanyang pangarap o ambisyon, dapat ay may malinis siyang pagkatao. Ito mismo ang mensahe ng panaginip mo na magkakaroon ka ng malinis na pagkatao at makaaasa ka na ang bendisyon ng Diyos ay mapasasaiyo.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments