Intsik dinukot ng 4 na kapwa Intsik
- Janice Baricuatro
- Apr 16, 2019
- 1 min read

ISANG Chinese national ang kinidnap at nakatakas sa kamay ng apat na kapwa Intsik na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlo sa mga ito, kamakalawa ng gabi sa Kawit, Cavite.
Ayon sa security guard na si SG Galon, minamaneho niya ang L300 van, alas-8:45 ng gabi nang makita ang biktimang si Ai Wu Yong, 27, Chinese, na naninirahan sa Makati City.
Nakuha umano ng biktima ang kanyang atensiyon dahil tumatakbo itong nakagapos ang mga kamay kaya agad nitong hinintuan at tinulungan ngunit, hindi umano nito maintindihan ang salita nito kaya agad niya itong isinakay sa van at idiniretso sa pulisya.
Sa pamamagitan ng electronic translator, dito nagkuwento ang biktima na kinidnap umano siya ng apat na kapwa Chinese sa Pasay City, alas-11:00 ng umaga at dinala sa Block 6, Lot 4, Phase 2, Bay Point Subd., Bgy. San Sebastian, Kawit, Cavite.
Iginapos umano siya ng mga suspek at nang makakuha tiyempo, tumalon siya sa bintana ng bahay at nagtatakbo hanggang sa matagpuan ni Galon.
Agad nagkasa ng follow-up operation ang pulisya at nagtungo sa lugar at dito unang naaresto ang suspek na si Teddy Lim Uy, 45, na positibong tinukoy ng biktima na gumapos at nag-drive ng black SUV na pinagsakyan sa kanya.
Sa pamamagitan ng mga iniwang driver's license sa subdivision, natukoy ang iba pang kasamahan ng suspek at naaresto sina Andy Tan Lim, 31, at July Lee, 36, habang pinaghahanap ang isa pa.
Ayon pa sa biktima, matapos siyang dukutin ng mga suspek, nag-demand ang mga ito ng malaking halaga kapalit ng kalayaan nito.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa nasabing kaso.





Comments