top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Ayaw matulog, ginulpi | 4 YRS. OLD PATAY KAY ‘DADDY’

Jeff Tumbado
Apr 16, 2019
1 min read

SA sobrang tindi ng bugbog sa katawan ng apat na taong gulang na batang lalaki mula sa kalupitan ng sariling ama ang sinasabing dahilan sa pagkamatay nito sa bayan ng Bugallon, Pangasinan.

Nagtamo ng malalim na sugat sa ulo dahil sa paghampas ang isa rin sa mga dahilan ng agarang pagkasawi ni Elvin Piad.

Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, nitong Huwebes nang mangyari ang pambubugbog ng suspek na ama na si Jessie Garbo sa loob ng kanilang bahay.

Alas-4:00 ng hapon, magkatabi umano ang batang biktima at kanyang ina maging ang suspek sa kama kung saan pinatutulog ang bata.

Gayunman, nairita umano ang suspek nang hindi makatulog ang anak dahilan upang kumuha ito ng walis- tambo at ipinukpok sa ulo ng bata. Umagos umano ang dugo mula sa ulo ng bata sanhi ng pagkakapalo ng ama.

Hindi pa umano rito natapos ang kalunus-lunos na sinapit ng bata matapos iwasiwas ito ng ama sa duyan bago pinagsusuntok at pinagsisipa sa katawan. Ilang sandali pa ay hindi na makahinga ang bata hanggang sa malagutan ito ng hininga.

Sinubukan pa umanong isugod ng magulang ang bata sa ospital subalit, idineklara itong dead- on-arrival ng mga doktor.

Matapos malamang namatay ang bata ay tumakas ang ama na ngayon ay subject ng pagtugis ng pulisya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page