UAAP ’81 TENNIS CROWN, BINAWI NG NU BULLDOGS


IBINALIK ng National University ang korona sa men’s division sa kanilang panig makaraang igupo ang Ateneo, 3-1, kahapon sa UAAP Season ‘81 men’s lawn tennis tournament finals sa Colegio de San Agustin courts sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Isinara ng Bulldogs ang best-of-three series sa iskor na 2-1, upang makamit ang kanilang fifth overall crown.
Nagawa ring kumpletuhin ng Bulldogs ang matagumpay na pagbabalik matapos pumalya sa pagsali noong nakaraang season gayundin ang double championships na huli nilang nagawa noong 2016.
Nauna na nilang inangkin ang women’s crown sa pangunguna ni Season MVP Clarice Patrimonio.
Ang doubles, tandem nina Jeric Accion at Justine Prulla, ang tumapos ng laban para sa Bulldogs, matapos nilang itala ang 6-3, 6-1 panalo laban kina Julian Dayrit at Bong Gonzales sa second doubles.
Nauna nang nagwagi para sa NU si Season MVP Wilson Oblea kontra kay Gab Tiamson, 7-6, 3-6, 7-6 (7) sa opening singles, na sinundan ng panalo nina Rookie of the Year winner Rucel Cero at AJ Alejandre laban kina Luke Flores at Erj Gatdula, 2-6, 7-6, 7-6 (8) sa first doubles.
Nakaiwas ang Blue Eagles sa shutout win nang makasingit sila sa second singles sa pamamagitan ng panalo ni Marcen Gonzales, laban kay Allen Manlangit, 6-3, 1-6, 7-5. (VA)





Comments