Tinangkang ipuslit sa selda | BEBOT, KULONG SA BULTONG PERA

NAKAPIIT na rin ang isang babae sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kung saan ito nagtangkang magpuslit ng bulto ng pera na kanyang itinago sa maselang parte ng katawan nito sa Lumbia City Jail sa Cagayan de Oro City.
Nakilala ang suspek na si Nora Cuevas, 26-anyos.
Ayon kay Jail Officer 3 Orly Montalban, nagtaka umano ang isa nilang babaeng spot checker dahil sa sobrang umbok ng nasa ibabang puson ni Cuevas na sa mga oras na iyon ay dumadalaw sa isang inmate sa nabanggit na detention facility ng BJMP.
Nang hingan ng identification card ang suspek na nakatakdang pumasok sa gusali nitong Sabado ng umaga ay wala itong maibigay kaya napagpasyahan na lamang ng checker na isailalim ito sa physical check-up.
Nakita nito sa maselang bahagi ng katawan ni Cuevas ang nasa 30 piraso ng tig-P1,000.
Isinailalim agad sa kostudiya ang suspek sa mismong City Jail at doon nabatid na ang pera na nakuha sa kanya ay laan para sa isang lalaking inmate.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso kabilang ang posibleng may kaugnayan sa iligal na droga ang perang nasamsam sa suspek.





Comments