Naka-tape ang mukha, nakatali ang mga kamay at paa | BANGKAY NG LALAKI NATAGPUAN SA BASURAHAN
- Mylene Alfonso
- Apr 14, 2019
- 1 min read

ISINILID sa garbage bag bago itinapon sa basurahan ang lalaking hinihinalang biktima ng summary execution, kahapon ng umaga sa Ermita, Manila.
Ayon kay PMSgt. Lester Evangelista ng Manila Police District-Homicide Section, inilarawan ang hindi pa nakikilalang biktima na nasa edad 30-35, may katabaan, nakapulang jersey at maong short pants, may tattoo sa kanang dibdib na “Semon”, spider at “Pherdz” sa kanang balikat, habang sa kaliwa ay Alex-M.
Naka-tape ang mukha, mga kamay at paa at pinaniniwalaang pinatay sa ibang lugar saka itinapon sa balumbon ng basura sa nabanggit na lugar.
Alas-8:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay sa basurahan sa tabi ng Ilog-Pasig na sakop ng Muelle del Rio St., sa likod ng Manila Post Office, Ermita.
Nakita ni Normeo Bareza ang itim na garbage bag na inakala umano nitong mapakikinabangan ang laman pero, laking-gulat nito nang lumabas ang isang paa ng biktima.
Agad nitong ipinagbigay-alam sa mga tauhan ng MPD-Lawton Police Community Precinct ang nakita.





Comments