top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Linggo ng Palaspas, hudyat ng paggunita at pakikiisa sa pasyon ng Panginoong Hesukristo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 14, 2019
  • 2 min read

NGAYON ay Linggo ng Palaspas, ang hudyat ng paggunita at pakikiisa nating mga Katoliko sa pasyon ng Panginoong HesuKristo. Mula ngayong araw hanggang sa susunod na linggo, sasamahan natin Siya sa Kanyang tapat at matapang na pagsunod sa kalooban ng Diyos Ama na ipakilala Siya sa sanlibutan. Sa pamamagitan ng Kanyang tapat at matapang na pagsunod sa Kanyang Ama, Siya ay naging mabuting modelo para sa lahat.

Kailangan nating muling tingnan, pag-aralan, pagnilayan at pagsikapang tularan ang katapatan at katapangan ng Panginoon.

Sa kabila ng panlabas na tapang at yabang ng maraming namumuno, madali lamang makilala ang mga mapagkunwari. Paano tayo magiging buo at matatag kung ang tanging laman ng ating kalooban ay pagmamahal at pagsamba sa sarili?

Nakatatakot ang naging pahayag kamakailan ng isang opisyal na hindi umano mahalaga ang katapatan sa pagliling­kod sa bayan. Ayon sa kanya, karamihan ng mga pulitiko ay hindi naman tunay na “tapat”. Sa ganitong pananaw, ang mahalaga ay makamit mo ang iyong gusto sa anumang paraan.

Gayunman, marami ang nagalit at hayagang tinuwid ang opisyal. Hindi lang ang nakatatanda ang nakarinig sa nakababagabag na pahayag na ito kundi maging ang napakaraming kabataan.

Ano ang ibig sabihin ng kata­patan? Ano ang kahalagahan nito sa buhay ng tao? Ang taong tapat ay walang itinatago, walang pagku­kunwari, walang pagpapanggap at hindi nagsisinungaling. Mayroon siyang isang salita at pagkatao. Anuman ang ipagkatiwala natin sa kanya ay hindi niya pababayaan, lulustayin o aangkinin.

Tapat ang Panginoong Hesu­Kristo, tapat ito sa Kanyang Ama na walang ibang hangarin kundi ang kabutihan at kaligtasan ng bawat isa. Ito ang kalikasan ng Diyos Ama, ang pag-ibig. Walang gagawin ang Diyos na makasisira at magpapahamak sa tao. Ginawa Niya ang bawat isa para sa Kanya at ito ang misyon ni HesuKristo, ipakilala ang Diyos na nagmamahal at nais iligtas ang bawat isa para sa Kanyang kaharian.

Matapang ang Panginoong Hesu­Kristo, buo ang Kanyang kalooban da­hil Siya ay tapat sa kalooban ng Kanyang Ama. Siya at ang Kanyang Ama ay iisa. Sa matalik at mahigpit na kaugnayan Niya sa Diyos Ama nag­mumula ang Kanyang lakas at tapang.

Nang tuksuhin ng demonyo, inalok Siya nito ng kayamanan (ibibigay ko sa’yo ang lahat ng kayamanan ng mga kaharian ng mundo); kapangyarihan (sambahin mo lang ako) at katan­yagan (magpakahulog ka mula sa tuktok ng templo at sasaluhin ka ng iyong mga anghel at ikaw ay makikilala dahil dito).

Maraming makapangyarihan, mayaman at kilalang tao ang hindi tapat sa Diyos. Sanay silang manakot upang ipamalas ang kanilang kapang­yarihan. Sa katagalan, inaakala nilang sila at hindi ang Diyos ang pinag­mumulan ng kanilang kayamanan, kapangyarihan at katanyagan.

Ngayong Linggo ng Palaspas, muli nating iwagayway ang mga palaspas upang pagpugayan ang katapatan at katapangan ng ating Panginoong HesuKristo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page