DODONG DIAMOND, SWAK SA FINAL 64 NG WORLD POOL
- Eddie M. Paez Jr.
- Apr 14, 2019
- 1 min read

MULING nagparamdam ng malupit na porma si Zoren James “Dodong Diamond” Aranas ng Pilipinas matapos itong makasikwat ng upuan sa final 64 ng malupit na 2019 World Pool Billiard Association (WPA) Players’ Championship sa Las Vegas.
Ginawang tuntungan ni Aranas ang mga tagumpay kontra kina Max Eberle (5-2), Lefteris Georgiou (5-3), Gabe Owen (5-1) at Chris Alexander (walkover) para makapasok sa main draw ng kompetisyong inaasahang bubulabog sa komposisyon ng top 20 cue artists sa buong mundo base sa kasalukuyang rating ng world governing WPA.
Sa kabuuan, mayroon nang apat na Pinoy ang nasa main draw ng kompetisyon dahil naroon na rin at naghihintay ang mga seeded entries na sina Carlo “The Black Tiger” Biado, Johann “Bubwit” Chua at Alex “The Lion” Pagulayan. Dala ni Biado sa torneo ang pagiging bridesmaid ng 2018 World 9-Ball Championship sa Doha, Qatar at ang pagiging world no. 3 sa WPA ranking habang dalawang titulo sa All-Japan Championship ang nasa rekord ni Chua.
Samantala, ang 40-anyos na si Pagulayan, tubong Isabela at ngayon ay naninirahan na sa Canada ay may apat na torneong napagwagian ngayong 2019: Scotty Townsend Memorial One Pocket at 9-Ball (West Monroe, Los Angeles), 5th Texas 10-Ball Championship Round at Music City 9-Ball Challenge (Madison, Tennessee).
Nakabara sa kampanya ng mga Pinoy sa USD 50,000 paligsahan ang mga bigating manunumbok kagaya nina Alexander Kazakis (Greece), Niels Feijen (Netherlands), Chang Jung-lin (Taiwan), Ko Pin-yi (Taiwan), Shane Van Boening (USA), Fedor Gorst (Russia), Jayson Shaw (Scotland), Chris Melling (England), Dennis Grabe (Estonia), Thorsten Hohmann (Germany), Naoyuki Oi (Japan), Eklent Kaci (Albania), Mika “Iceman” Immonen (Finland) at Ralf “Kaiser” Souquet (Germany).





Comments