top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

6 sasakyan inararo | 2 PATAY SA KILLER TRUCK

  • Gina Pleñago
  • Apr 14, 2019
  • 1 min read

DEDO ang dalawa habang anim ang sugatan matapos araruhin ng ten-wheeler truck ang anim na sasakyan, kahapon ng umaga sa Lungsod ng Taguig.

Kinilala ni Taguig City Police Chief Sr. Supt. Alexander Santos ang mga nasawi na sina Danilo A. Pedroso, Jr. at Gerald Iann Hernandez, fire officer, pawang nagmomotorsiklo at nagbibisikleta na nagtamo ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ginagamot na sa Taguig-Pateros District Hospital ang mga biktimang sina Ronald Ortega, Christopher Auino, Aldren Ano, Jaime Ocfemia, Rogelio Salina at Cristel Castro, na may mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nasa kustodiya ng Taguig City Traffic Bureau ang driver ng truck na si Roman Marinas, 29, ng Burak, Pampanga.

Ayon kay Santos, nangyari ang aksidente sa harap ng Lakeshore, C-6 Road ng naturang siyudad alas-5:45, kahapon ng umaga.

Napag-alaman na minamaneho ni Roman ang Isuzu ten-wheeler truck, na naglalaman ng buhangin mula sa Pampanga, pag-aari ng isang Alvin Tiqui, ng Paning, Angeles, Pampanga sa kung saan overloaded umano ito.

Pahinante ni Roman ang kaanak nitong si Ronny Marinas, 19, tubong San Acinto, Pangasinan at Julius Vallinan, 31, ng San Vicente, Pangasinan.

Katwiran ng driver, nawalan umano ito ng preno dahilan upang araruhin ang anim na sasakyan kabilang ang dalawang jeeps, motorsiklo, kotse at dalawang bisikleta, na nagresulta sa pagkasawi at pagkasugat ng mga biktima.

Ayon sa pulisya, bago mangyari ang insidente, nahuli ang truck driver dahil sa violation at sa bigat ng karga nitong buhangin pero, nagpatuloy pa rin ito sa pagmamaneho.

Dahil pababa ang lugar, hindi na nakontrol ng driver ang trak at naararo ang naturang mga sasakyan.

Patuloy nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang aksidente.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page