4 kulong sa droga

APAT katao kabilang ang tatlong hinihinalang tulak ng iligal na droga na target ng isinagawang buy-bust operation ng mga pulis ang arestado sa Malabon City.
Ayon kay Malabon City Police Chief P/ Col. Jessie Tamayao, alas-3:45 ng madaling-araw nang ikasa ng mga operatiba ng SDET sa pangunguna ni PLt. Rolando Domingo ang buy-bust operation kontra kina Darwin Buenavista, 23; Jericka Bunag, 21, at Kim Bunag, 18, sa Anonas Road, Bgy. Potrero.
Nagawang makapagtransaksiyon ng undercover police na nagpanggap na poseur-buyer sa mga suspek ng isang sachet ng shabu kapalit ng P300 marked money at nang magkaabutan, agad lumapit ang back-up na mga operatiba saka inaresto ang tatlo.
Ani SDEU investigator PSSgt. Jerry Basungit, narekober sa mga suspek ang 9 sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at buy-bust money.
Nasakote rin sa operasyon si Emilio Santos, 32, na sinasabing umiskor ng droga sa mga suspek matapos makuhanan ng sachet ng hinihinalang shabu.





Comments