Pagnilayan at dasalan ang pitong iba't ibang eksena sa buhay ni HesuKristo

TAUN-TAON tuwing Sabado bago ang Linggo ng Palaspas, ginaganap ang kakaibang Visita Iglesia sa lalawigan ng Batangas. Ang simpleng yayaan ng mga magkakaibigan sa Semana Santa noong 2012 ay naging ganap nang debosyon ngayon. Magkikita-kita sa Malvar, Batangas ang mga mananampalataya at siklistang nais manalangin kasabay ng kanilang pagbibisikleta. Ngayong araw, ika-13 ng Abril 2019, muling papadyak ang mahigit 300 siklista sa pitong Simbahan ng Batangas. Hindi lang sila magpapapawis kundi mananalangin nang taimtim sa loob ng pitong Simbahan upang muling isagawa ang naturang “Bisikleta Iglesya”.
Magaganap ang kakaibang paggunita sa buhay, paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoong HesuKristo. Habang nagbibisikleta at pumapadyak ang mahigit na 300 siklista, sila ay magninilay-nilay at mananalangin. Sa halip na sundin ang karaniwang 14 na istasyon ng krus para sa pitong Simbahan o dalawang istasyon sa bawat Simbahan, sisikapin nating pagnilayan ang pitong eksena sa buhay ni HesuKristo na pawang hagdanang hahantong sa katuparan ng misyon ni HesuKristo na sumusunod sa banal na kalooban ng Diyos Ama. Narito ang pitong eksena na pagninilayan; magdarasal ang mga siklista sa pitong Simbahan gamit ang kani-kanilang bisikleta:
Ang huling hapunan.
Ang pananalangin sa halamanan ng Gethsemane — pagtanggap sa kalooban ng Diyos at pagtataksil ng isang kaibigan.
Ang pagharap kina Anas at Caiphas — ang bulaang saksi, ang hindi pagtanggap kay HesuKristo bilang Mesias.
Ang pagharap kina Pilato at Herodes — ang pasahan ng pananagutan ng paghatol; pamumunong takot sa katotohanan. Alam nina Pilato at Herodes ang totoo ngunit, hindi nila kayang panindigan at ipaglaban ito, ang pagbigay ng hatol ni Pilato.
Ang pagpapasan ng krus — ang pagkakadapa ni HesuKristo
Ang pagtulong ni Simon — ang pagsalubong sa kababaihan ng Jerusalem.
Ang pagpako kay HesuKristo sa krus — ang paglitaw ng mga lihim na disipulo. Ang pagsunod ng kababaihang disipulo hanggang kalbaryo.
Sinu-sino ang mga naging instrumento upang matupad ang huwad na paghuhusga kay HesuKristo? Naroon ang mga makapangyarihang tao na ginamit sa mali ang kanilang husay at kapangyarihan. Hindi Hudyo si Pilato, ayaw nitong gawan ng anuman si HesuKrito subalit, dahil sa kanyang kahinaan bilang pinuno, higit na pinakinggan o pinagbigyan nito ang galit na tinig ng taumbayan.
Gaano karami ang mahihina at madaling magkompromisong lider sa kasalukuyang panahon? Maaari bang ihambing ang mga sitwasyon at taong sangkot noong panahon ni HesuKristo ngayong kasalukuyang panahon?
Ito ang pangunahing dahilan ng “Bisikleta Iglesya”. Kailangan nating makita ang malalim na koneksiyon ng mga pangyayari noong panahon ni HesuKristo sa kasalukuyang buhay natin. Kailangan nating makita ang paulit-ulit na eksena mula noong panahon ni HesuKristo hanggang sa hindi na tayo magulat sa makamandag na epekto ng kasamaan at kasalanan ng tao sa sangkatauhan, lipunan at kalikasan.
Nagpapatuloy ang makamandag na pagtataksil ng mga pinuno sa katotohanan at katarungan, gayundin ang kanilang pagsira at paglulustay sa mga institusyong nilikha upang protektahan ang kapakanan ng mamamayan. Silang mga inihalal upang maglingkod sa bayan at sa mamamayan na mismong “kalaban o katunggali” ng mga ito.
Salamat sa munting sakripisyo ng mga siklista, muling mabubuhay ang katarungan at kaligtasan ng Diyos. Hindi lang nakapagpapalakas ng katawan ang pabibisikleta kundi nakapagpapalinaw ito ng isipan, puso at diwa, gayundin, tumutulong ito upang maging matiyaga at manatiling tapat hangga't hindi natatapos ang pagpadyak tungo sa pitong Simbahan. Habang tumitibay at lumalakas ang puso, mga binti at baga ng mga siklista, gayundin ang kanilang isip, diwa at kaluluwa ng mga ito. Salamat sa “Bisikleta Iglesya”.
Tara na, padyak na, magdasal at magnilay tayo sa mga nakaliligtas na misteryo sa buhay ng ating Panginoong HesuKristo, tara na sa Bisikleta Iglesya!





Comments