Huli sa akto | TAXI DRIVER-HOLDAPER, KULONG

HULI ang taxi driver na sinasabing holdaper makaraang biktimahin ang tatlong babaeng pasahero na pawang mga Chinese national, kahapon sa Pasay City.
Nakapiit na sa Pasay City Police ang suspek na si Fredelino Amido, 43, ng Kapayapaan St., Bagong Barrio, Caloocan City, habang pinaghahanap ang kasabwat nitong si Ricardo Villaren.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Qing Chen, 31; Ling Hui, 47, at Yanni Liao, 31, na pansamantalang nanunuluyan sa Shangrila Hotel sa Mandaluyong City.
Sa report na nakarating kay Pasay City Police Chief P/Colonel Bernard Yang, sumakay ang mga biktima sa taxi na ipinapasada ng suspek na Richmelyn Taxi na may plakang AA14919 sa tapat ng Walter Mart sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Boulevard ng nabanggit na siyudad at nagpahatid sa tinutuluyang hotel, alas-3:30 ng madaling-araw.
Hindi pa nakalalayo ang taxi, tumigil ito at sumakay sa unahan ang kasabwat na si Villaren at dito na nagdeklara ng holdap gamit ang replikang baril.
Kinulimbat ng dalawang suspek ang cellphone, pera at personal na gamit ng mga biktima at tangkang manlalaban ang mga biktima nang tiyempong mamataan ng mga nagpapatrulyang awtoridad ang komosyon.
Nagresulta ito sa pagkakahuli kay Amido at nakatakas ang kasama nitong si Villaren habang inihahanda na ng Pasay City Police ang mga kasong isasampa laban sa suspek.





Comments