Worried sa almoranas na nakuha sa panganganak
- BULGAR
- Apr 12, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ako ay 36 years old at mayroong dalawang anak. Nababahala ako dahil parang may tumubong almoranas sa aking puwit, masakit ito at minsan ay may kasamang dugo ang aking dumi. Dalawang buwan pa lang ang aking bunso kaya marahil, nakuha ko ito sa aking panganganak. Sabi ng kaibigan ko, baka dahil daw ito sa aking panganganak o sa pag-iri ko kaya nagkaroon ako ng almoranas. Ano ang dapat kong gawin para hindi na ito lumala? — Alicia
Sagot
Ang almoranas o hemorrhoids ay ang namamagang mga ugat sa palibot ng butas ng puwit.
Ito ay maaaring tumubo sa loob o labas ng puwit. Sa dalawang uri ng almoranas, ang almoranas sa labas ng puwit ay ang pangkaraniwan at lubhang nakasasagabal sa mga gawain sa araw-araw. Ang almoranas ay sanhi ng matinding pangangati, sakit at kahirapan sa pag-upo. Ang magandang balita, ang almoranas ay nagagamot.
Narito ang ilang sintomas ng almoranas:
matinding pangangati ng puwit
pagsusugat sa palibot ng puwit
pagkakaroon ng makati o masakit na bukol malapit sa puwit
masakit na pagdumi
paglabas ng kaunting dugo sa puwit
Bagama’t, ang almoranas ay napakasakit, hindi naman ito nakamamatay at kadalasang nawawala kahit na hindi gamutin. Kung palaging sinusumpong ng almoranas, baka magkaroon ng mga sintomas ng anemia tulad ng panghihina at pamumutla ng balat dulot ng pagkawala ng dugo. Ang sintomas na ito ay napakabihirang mangyari.
Narito ang ilang sanhi nito:
sobrang pag-iri kapag nagbabawas
pagkakaroon ng pangmatagalang kahirapan sa pagdumi
pag-upo sa kubeta nang matagal na panahon
pagkakaroon ng mga kapamilyang may almoranas
Kapag buntis, malamang na magkaroon ng almoranas. Kapag ang bahay-bata ay lumaki, itinutulak nito ang mga ugat sa colon kaya ito ay lumalaki na parang bukol sa puwit.
Ang paggamot sa almoranas ay maaaring isagawa sa bahay o sa klinika ng doktor.
Para mabawasan ang pananakit, maaaring ibabad ang puwit sa palangganang may maligamgam na tubig sa loob ng 10 minuto.
Kung lubhang naghihirap sa sakit na dala ng almoranas, magbibigay ang doktor ng gamot para sa sakit. Ang gamot sa sakit na dala ng almoranas ay maaaring bilhin sa botika kahit walang reseta ng doktor tulad ng suppository, ointment o cream para mawala ang sakit at pangangati.
Maaari ring isama sa paggamot sa almoranas ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa fiber. Ang pagkain ng ganitong mga pagkain ay maaaring makabawas sa panganib na magkaroon ulit ng almoranas sa hinaharap. Makatutulong ito na malinis ang bituka dahil palalambutin nito ang dumi kaya madali itong mailabas kapag nagbabawas.
Kung nahihirapan sa pagdumi, puwede ring bumili ng fiber supplement sa botika para matulungang lumambot ang dumi.
Comments