Trike driver pinagbabaril, todas

PATAY ang tricycle driver matapos pagbabarilin ng hindi pa nakilalang suspek habang namamasada ng tricycle sa Taytay, Rizal, Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Derwin Macaraig, 34, ng Bgy. San Juan, Taytay.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek na naglakad lamang na tumakas.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, alas-2:00 ng hapon nang maganap ang krimen sa tapat ng kilalang supermarket sa Tanchoco St.
Batay sa salaysay ng testigong si ‘Rea’, vendor, namamasada ang biktima nang lapitan ng salarin at agad na pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan saka tumakas.
Palaisipan pa rin sa mga awtoridad ang motibo ng pamamaslang dahil may isang taon pa lamang umanong naninirahan sa kanilang lugar ang biktima na dating driver ng isang Korean national at isang buwan pa lamang din umanong miyembro ito roon ng Tricycle Drivers Association.





Comments