Mahigpit na pagbabantay ng FB sa talamak na "fake news" sa socmed, dapat lang!

MAYROON umanong mga karagdagang gagawin ang Facebook para labanan at bantayan ang pagpapakalat ng maling impormasyon o “fake news”. Matatandaang, tinanggal ng FB ang napakaraming pages, accounts, groups at iba pa na sinasabing ugat ng mga kumakalat na pekeng impormasyon sa social media. Masaya tayo na kumikilos ang mga opisyal ng FB upang labanan ang pagkalat ng mga pekeng impormasyon, gayundin ang pagkalat ng poot. Problema rin ang pagkalat ng terorismo at poot maging sa ibang bansa. Alam nating mayroong mga page sa social media na nagpapakalat ng poot laban sa ibang relihiyon o lahi.
Halos 15 taon pa lang ang FB, pero nagamit na ito nang husto bilang sandata laban sa mga taong hindi sang-ayon sa kanilang mga paniniwala o partido, lalo na kapag eleksiyon.
Gayundin, ang live-streaming ng pamamaril sa dalawang mosque sa Christchurch, New Zealand ay isang masamang ehemplo sa paggamit ng FB.
Ayon sa mga kritiko, matagal umano ang inabot ng FB para tanggalin ang video, dahil masyado itong kumalat sa buong mundo. Gayunman, nangako ang FB na gagawa sila ng paraan upang hindi na ito maulit. Sa bilis ngayon ng pagkalat ng mali at pekeng impormasyon, panahon na rin para kumilos ang iba pang kumpanya sa social media tulad ng Instagram, Twitter at iba pa.
◘◘◘
Nagpakita ng “gulugod” ang Palasyo sa China ngunit, pansamantala lang umano ito dahil wala raw karapatan ang mga barko ng China na pumasok o paligiran ang Kota Island na kontrolado ng ating bansa mula pa noong 1968. Ayon sa Palasyo, sa kabila ng pakikipagkaibigan natin sa China, partikular sa ekonomiya ay igigiit pa rin natin ang ating soberanya kapag kinakailangan, pero tila nagbago ang tono nang sabihing bibigyan ng sapat na panahon ang China para rumesponde sa ating protesta na siguradong ihahain daw ni DFA Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr.
Gayunman, mayroong mga nakapansing hindi ganito ang aksiyon ng China sa Vietnam nang ayusin din nila ang kanilang mga pasilidad sa mga islang hawak nila, hindi tulad ng aksiyong ginawa nila nang simulan ang rehabilitasyon sa Pag-asa Island, bakit kaya? Dahil ba pumapalag ang Vietnam? Dahil ba ilang beses sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala naman tayong laban sa China, ano na naman kaya ang kanilang layunin? Naghihintay na lang ba tayo ng utos mula sa China kung kailan sasakupin ang dalawang isla?





Comments