Drug den ni-raid, 8 tiklo

ARESTADO ang walong hinihinalang sangkot sa iligal na droga sa buy-bust operation na nagresulta rin sa pagkakabuwag ng sinasabing drug den sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/ Col. Restituto Arcangel, alas-7:30 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PCapt. Deo Cabildo ang buy-bust operation kontra kay Emelito Ramos alyas Udong, 23-anyos, sa Bgy. 12.
Matapos iabot ni Emelito ang sachet ng shabu kay PCpl. Renniell del Poso na umaktong poseur-buyer kapalit ng P200 marked money, agad lumapit ang back-up na sina PCpl. John Lester Alpecho at PCpl. Nico June Roque saka inaresto ang suspek.
Nakumpiska kay Emelito ang buy-bust money at coin purse na naglalaman ng apat na sachets ng hinihinalang shabu.
Timbog din sina Jason Ramos, 20; Mark Anthony Acudesin, 24; Rafael Agripa, 37; Marlon Rodriguez, 41; Crisdan Delima, 20; Mark Aldwin Delara alyas Mac-Mac, 20, at Richard Ereño, 39, matapos mahuli sa akto ng mga operatiba na sumisinghot ng shabu sa loob ng bahay na sinasabing ginagawang drug den.
Narekober sa mga suspek ang iba’t ibang drug paraphernalias at dalawang sachets ng hinihinalang shabu na nakuha kay Agripa, habang ayon kay SDEU Investigator PCpl. Donn Herrera, drug surrenderee sa Bgy. 12 si Delara.





Comments