Alamin mula kay Maestro... SADLAKANG KAPALARAN NG MGA IPINANGANAK SA YEAR OF THE MONKEY
- BULGAR

- Apr 12, 2019
- 2 min read


SA pagkakataong ito, ang pangunahing katangian at sadlakang kapalaran ng animal sign na Unggoy o Monkey ngayong 2019 ang ating tatalakayin.
Tandaang, ikaw ay mapabibilang sa Year of the Monkey kung ikaw ay isinilang noong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016.
Ang Year of the Monkey ay pinaghaharian ng impluwensiya ng planetang Sun sa Western Astrology at siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Leo.
Sinasabing higit na maharot at masayahin ang mga Unggoy na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa mga Unggoy na isinilang sa panahon ng tag-ulan o taglamig.
Isa sa mga pangunahing katangian ng Unggoy ay ang malakas ang loob, hindi natatakot na magpabaging-baging nang paisa-isang kamay sa ugoy ng kapalaran at ni minsan ay hindi nila inisip na sila ay mahuhulog.
Ang pagiging malakas ang loob nito ay kadalasang nagtutulak sa Unggoy na sumubok sa mga bagay na mapanganib, pero ang kahanga-hanga sa kanilang tadhana, kahit na gaano pa kapanganib ang sitwasyon na kanilang pinasukan, tiyak namang sa dakong-huli, sila ay ililigtas ng langit, kaya paniguradong hindi talaga sila mapapahamak.
Bukod sa mahilig sumuong sa mga panganib, nakagaganda rin sa damdamin ng Unggoy ang pakikipagsapalaran. Tunay ngang minsan ay natatalo, subalit, mas madalas na nananalo ang Unggoy sa anumang uri ng pakikipagsapalaran na kanilang sasalihan.
Dahil likas ngang masayahin at maliksing kumilos ang Unggoy, hindi sinasadyang nahahawahan tuloy nila ng kaharutan at kasiglahan ang mga taong nakapaligid sa kanila, kaya naman ‘yung mga tatamad-tamad kapag nakasama ang Unggoy ay tiyak na sisipagin habang ‘yung mga malungkot kapag nakasama ang Unggoy ay matututong ngumiti kahit na papaano at magiging maligaya na rin habang kapiling nila ang komikero at mapagbirong Unggoy.
Mahusay ding magpatawa ang mga Unggoy at mag-entertain ng kanilang mga kasama. Kaya kapag may kaibigan o kabarkada kang Unggoy, tiyak na hindi kayo mababato dahil ang Unggoy ang tiyak na magpapatawa at siyang lilibang sa mga taong nakapaligid sa kanya.
Kaya ang pamilya na may Unggoy sa kanilang tahanan ay itinuturing na mapalad dahil ang nasabing Unggoy ang magdadala ng saya at ligaya sa bawat miyembro ng mag-anak at ang kaligayahang ito ang aakit ng dagdag pang suwerte at magandang kapalaran sa buong pamilya.
Pangkaraniwan ding mabilis mag-isip at kumilos ang Unggoy, kaya naman kapag may problema ang pamilya, ang grupo o ang barkadahan na may kasaping Unggoy ay madali nilang masosolusyunan ang kanilang suliranin sa pamamagitan ng mabilisang pormula o epektibong paraan na maiisip kaagad ng tuso at matalinong Unggoy.
Sa kabila ng katotohanang ang Unggoy ay talagang masarap kasama, mapagpatawa at masayahin, ang hindi alam ng marami, sa kabila ng mapagbirong disposisyon ng pagkatao ng Unggoy, siya pala ay may pusong mamon at may pagkamaramdamin.
Kaya masasabing ang tunay na larangan ng Unggoy ay nahahawig sa payasong mapagpatawa sa tanghalan ng buhay, ngunit, walang nakababatid na sa kaibuturan ng kanilang puso ay may malalim na kalungkutan at lumbay silang nararamdaman.
(Itutuloy)




Comments