Sanhi ng pagkakaroon ng bulutong
- BULGAR

- Apr 11, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ang aking anak na 10 taon ay may mga pantal na lumabas sa katawan. May tubig ito na parang lapnos. Sa tingin ko, ito ay bulutong at nakuha niya ito sa kapitbahay namin na madalas niyang nakakasama sa paglalaro. Ano ang mabuting gawin para rito? — Marietta
Sagot
Ang bulutong o chicken pox ay sakit na dulot ng virus. Ang bulutong ay mapupulang pantal na nagdadala ng matinding pagkati ng buong katawan. Ito ay pangkaraniwang sakit na nakukuha ng mga bata na hindi pa nagkakaroon nito. Ang mga sintomas nito ay kadalasang bahagya ngunit, maaaring magdala ng seryosong mga kumplikasyon tulad ng bacterial pneumonia.
Ang mga tao na nagkaroon na ng bulutong-tubig ay malamang na hindi na magkaroon ng sakit na ito habambuhay dahil sa tinatawag na immunity. Kung nakapag-develop na ng ganitong uri ng immunity, imposible nang tamaan ng bulutong.
Ano ang sanhi ng bulutong?
Ang bulutong o chicken pox ay sakit na dala ng herpes varicella-zoster virus. Ito ay naikakalat sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing o pagkakahantad sa damit o higaan.
Ang pinakamalalang yugto ng bulutong ay mangyayari sa loob ng 10-21 araw matapos ang pagkahantad sa virus. Ang sakit na ito ay lubhang nakahahawa isa o dalawang araw bago lumabas ang mapupulang pantal at sa panahon na ang mga ito ay lubusan nang matuyo.
Ano ang mga sintomas ng bulutong?
Ang bulutong ay mapupulang pantal na may matinding pangangati. Ito ay kumakalat sa buong katawan, lalo na sa may likod haggang sa leeg. Ang mga pantal na ito ay maaaring magtagal nang pito hanggang sampung araw. Ang mga pantal ay maaaring maging mga bulutong-tubig na natutuyo sa kalaunan. Ang bulutong ay maaaring makita sa bibig, anit, mga mata at maseselang bahagi ng katawan.
Ano ang gamot sa bulutong?
Panatilihing nasa loob ng bahay ang inyong anak hanggang sa lubusan nang matuyo at matanggal ang lahat ng bulutong at pamamantal. Kadalasan, ang bulutong ay hindi nangangailangan ng gamot. Kusa itong nawawala makalipas ang dalawang linggo.
Ngunit, kung ang pasyente ay buntis, maaaring magbigay ang doktor ng mga anti-viral para tulungang bumaba ang posibilidad na magkaroon ng epekto ang sakit sa sanggol na nasa sinapupunan, gayundin ang mga painkiller at anti-histamine para maibsan ang sakit at pangangati na nararamdaman ng pasyente.
Home remedies para hindi lumala ang bulutong:
Putulan ng mga kuko ng inyong anak para maiwasan ang hindi sinasadyang pagkalmot sa mga pantal.
Para mabawasan ang pangangati, maglagay ng baking soda o oats sa tubig na kanyang pampaligo. Maglagay ng malamig na basang towel sa apektadong bahagi ng katawan at patuyuin ito. Tunawin ang kalahating kutsara ng asin sa isang basong tubig at gawing pangmumog.
Magbigay ng paracetamol na tama sa edad ng tao. Makatutulong ito na maibsan ang lagnat at sakit ng katawan ng pasyente.
Panatilihing malinis ang katawan, araw-araw.
Paano makaiiwas sa pagkakaroon ng bulutong?
Ang pinakamabisang paraan sa pag-iwas sa bulutong ay ang pagpapabakuna laban sa sakit na ito. Ang mga bata at matatanda ay kailangang mabigyan ng bakuna laban sa bulutong.
Ang bakuna para rito ay ligtas at epektibo. Karamihan sa mga taong nabigyan na ng bakuna ay hindi nagkaroon ng bulutong. Kung mahahawa man sila ng bulutong, ito ay hindi gaanong malala. Ang bakuna laban sa bulutong ay nakatutulong na maiwasan ang lahat ng malalang mga kaso nito.




Comments