Japanese, nadukutan sa mall, cash at gadgets natangay
- Mylene Alfonso
- Apr 11, 2019
- 1 min read

NATANGAY ang pouch ng Japanese national na naglalaman ng mahigit ¥100,000 o katumbas ng mahigit P46,000, mamahaling relos at credit cards habang nasa loob ng mall, kamakalawa ng umaga sa Ermita, Manila.
Nagreklamo sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Investigation Section (MPD-GAIS) ang biktimang si Moraru Fuji, 59, Japanese at nanunuluyan sa Riviera Mansion Hotel sa Mabini, Ermita, Manila.
Sa pahayag ng biktima, alas-11:30 ng umaga, naglalakad siya sa loob ng mall nang mapansin na nawawala ang dalang pouch na naglalaman ng ¥100,000, Omega watch na nagkakahalaga ng ¥500,000 at dalawang credit cards.
Agad umano niyang ipina-block ang kanyang American Express card sa pangambang makapag-withdraw ang mga suspek.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya upang madakip ang mga salarin.





Comments