ALLIANZ NAT’L YOUTH FUTSAL, UNA SA BACOLOD ANG QUALIFYING LEG

ISA sa pinaka-aabangan ng mga kabataan tuwing summer ay ang Allianz National Youth Futsal Invitational (ANYFI) kung saan hindi lamang natututong maglaro ang mga bata, may pagkakataon pa silang mangibang bansa at makalaro ang mga football at futsal players mula sa iba’t-ibang bansa.
Sa ikatlong sunod na taon ay naging kaagapay ng mga batang manlalaro ang Allianz na nakapagpadala na ng limang batang Pinoy sa taunang Allianz Explorer Camp Football Edition sa Munich, Germany.
Sa taong ito ay muling nakipag-alyansa ang Allianz Philippines sa Henry V. Moran Foundation at Philippine Football Federation (PFF) para isagawa ang Allianz National Youth Futsal Invitational (ANYFI) sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.
Nag-umpisa na ang Bacolod City qualifying leg. Susundan ito ng iba pang qualifying leg sa Tubod, Lanao del Norte sa Abril 13-14; Lingayen, Pangasinan sa Abril 23-24; Iloilo City sa Mayo 2-3; Cebu City sa Mayo 11-12; Muntinlupa, Metro Manila sa Mayo 8-9; Davao City sa Mayo 8-9; Koronadal, South Cotabato sa Mayo 11-12; at Angeles City, Pampanga sa Mayo 25-26.
Ang futsal ay isang uri ng larong football na nilalaro sa indoor court.
Naniniwala ang Allianz at Henry V. Moran Foundation sa kakayahan ng batang Pilipino sa larangan ng football kaya naman bigay-todo ang suportang ibinibigay nito.
“The Philippines is teeming with talents in football. We just need to give our youth the support and venue to further hone their skills and excel in the sport in the Philippines,” sabi ni Danny Moran, Chairman ng Henry V. Moran Foundation, isang nonprofit organization na may layuning tumulong sa kabataan sa pampublikong paaralan sa pamamagitan ng football at futsal.





Comments