Ilang kandidato na pumunta sa Panatag Shoal, hindi pinayagan ng PCG, ngek!
- BULGAR

- Apr 10, 2019
- 2 min read
SINUBUKAN ng ilang kandidato na pumunta sa Panatag Shoal para makita kung ano ang ginagawa ng mga malalaking barko ng Tsina sa mga Pilipinong lumalapit sa lugar, partikular na ang mga mangingisda.
Pero ayon sa kanila, hindi raw sila pinayagan ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa “national security” ngunit, kung tatanungin naman ang PCG, wala raw patakaran para pigilan ang sinumang nais pumunta sa Panatag Shoal, sino ba ang nagsasabi ng totoo? Pinigilan lang ba ang mga kanditato dahil pamomolitika lang ang dating ng kanilang pagpunta?
Sana nakapunta ang mga kandidato, kasama ang media para malaman kung talagang hina-harass ng mga Chinese ang mga Pilipino. Hindi naman pala bawal pero, depende kung sino ang tatanungin. Kung ang mga mangingisda, eh, hina-harass daw sila; kapag ang PCG naman, wala raw ulat ng harassment. Kaya maganda sana kung nakapunta ang mga kandidato. Kapag ganyang nagpahayag ang PCG na wala namang patakaran, subukan nilang pumunta ulit.
Gayunman, hinikayat din si Pangulong Rodrigo Duterte na tuparin ang ipinangakong “I will ride a jetski and plant our flag there” noong kanyang kampanya, pero alam na nating hanggang salita na lang siya.
◘◘◘
Hindi raw maaaring magtrabaho ang mga dayuhan sa bansa, lalo na kung kaya naman ng mga Pinoy ang trabaho. Ito ang pahayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Chief Silvestre Bello III. May namataan kasing mga taga-China na nagtatrabaho sa pribadong proyekto. Nang tanungin ang isa sa mga trabahador, hindi raw kaya ng mga Pilipino ang ginagawa nila. Ano ang kaya nilang gawin na hindi kayang gawin ng mga Pinoy? Dapat siguro, maglabas ng listahan ang DOLE ng mga trabahong hindi kaya ng Pilipino, kung mayroon man para may katwiran ang pagdating ng mga dayuhang trabahador.
Kung maglalabas ng ganyang pahayag ang DOLE, dapat sila ang nangunguna sa paghanap, pag-deport at pag-blacklist sa mga nasabing trabahador, lalo na kung iligal silang pumasok sa bansa. Kung paano nakapapasok ang mga dayuhan para magtrabaho ay hindi natin alam na dapat ding maimbestigahan.





Comments