Mas maagang edad ng pagreretiro ng mga guro, aprub!

TUNAY na nakapagbibigay-inspirasyon ang sinabi ng mananalumpati na si Marcus Tullius Cicero, “what nobler employment or more valuable to the state than that of the man who instructs the rising generation?”
Inilalarawan niya rito ang guro na nagtuturo ng kaalaman, kabutihang-asal at mga panuntunan upang maging mabuting mamamayan ang bawat isa at mas mapatatag ang bayan.
Wala nang mas kagalang-galang at makabuluhang gawain sa ating bayan kundi ang maturuan ang ating susunod na henerasyon.
Higit pa sa impormasyon at dagdag-kaalaman ang ibinabahagi ng ating mga guro sa kanilang mga mag-aaral.
Sila rin ang nagsisilbing gabay ng ating mga estudyante upang sila ay maging tunay na responsableng mamamayan na may pakialam sa kapwa at sa kapaligirang kanilang ginagalawan.
Nakalulungkot isipin na ang ating mga guro, lalo na sa mga nagtuturo sa mga pampublikong paaralan ay maraming kinahaharap na pagsubok sa kanilang piniling karera.
Ayon sa mga pag-aaral, masasabi nating overworked ang ating mga guro sa tatlong kadahilanan: Una, ang bilang ng mga estudyante laban sa bilang ng mga guro; pangalawa, ang bilang ng oras ng pagtuturo kada araw at pangatlo, ang oras ng kanilang pagtuturo sa bawat taon.
Dahil dito, marami sa mga guro ang nagkukulang sa oras sa sarili at kani-kanilang pamilya, nasasagad ang kanilang pisikal na enerhiya at lumiliit ang oportunidad na mapaunlad ang kanilang propesyunalismo.
Ang pagiging overworked ng mga guro ay nagdudulot din ng mga negatibong epekto hindi lamang sa kanilang trabaho kundi pati na rin sa kanilang kalusugan.
Kadalasan, ang stress ay nagdudulot ng matitinding suliranin sa pangangatawan, bago pa man sila umabot sa kasalukuyang edad nang pagreretiro.
Bilang pakikisama at konsiderasyon sa kanilang hindi matatawarang serbisyo sa lipunan, oras na upang bigyan natin ang mga public school teacher ng mas maagang edad ng pagreretiro.
Ito ay magandang oportunidad para masulit pa nila ang kanilang buhay mula sa mga benepisyo at pinag-ipunan sa maraming taon na kanilang ginugol sa paghahanapbuhay.
Kapag naisabatas na ang ating iniakdang panukalang-batas na Lowering Retirement Age of Teachers o Senate Bill No. 1287, ang dating retirement age na 65 ay magiging 60 na.
Sa kabilang banda naman, kung wala pang 15 taon sa serbisyo ang guro ay maaaring magturo pa rin siya hanggang edad 65, sang-ayon sa kasalukuyang mga patakaran at regulasyon ng civil service.
Malaking kontribusyon ang ginagampanang trabaho ng mga guro sa lipunan. Maraming dahilan upang pagpasalamatan sila sa lahat ng kanilang sakripisyo at malasakit para sa kabataan.
Napakahalaga ang kanilang papel sa ating bansa sa pagtataguyod ng matibay na pundasyon ng sistemang pang-edukasyon para sa bayan, kaya hindi sila dapat minamaliit o ipinagsasawalambahala lamang.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments