Taxi driver binaril sa ulo ng nakamotor
- V. Reyes
- Apr 8, 2019
- 1 min read

TAMA ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ng taxi driver na pinuntirya ng riding-in-tandem sa Quezon City, Biyernes ng gabi.
Tinukoy ni Police Captain Juan Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakakilanlan ng biktima na si Lovito Paranete de Guzman, 57, ng Bgy. Pasong Tamo, ng nasabing lungsod.
Batay sa paunang pagsisiyasat, naganap ang pamamaril alas-6:50 ng gabi sa harap ng bahay ng biktima.
Sa salaysay ng kapatid ng biktima na si Theresa de Guzman Martinez, nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig ng isang malakas na putok ng baril.
Agad lumabas si Theresa upang alamin ang pangyayari at doon bumungad sa kanya ang duguang katawan ng kapatid habang mabilis na tumakas ang mga suspek na nakaangkas motorsiklo.
Ayon kay Theresa, wala siyang alam na dahilan o motibo sa pamamaril sa kanyang kapatid dahil wala umano itong naikukuwento sa kanyang kaaway o atraso.
Patuloy nang sinisiyasat ng pulisya ang insidente.





Comments