Paalala na huwag mag-isip ng mga negatibong bagay

Salaminin natin ang panaginip ni Aiz Za ng Aiz_Za@facebook.com
Dear Professor,
Nanaginip ang pamangkin ko na nasaksak daw ‘yung kuya ko ng retired na pulis.
Tapos, mamamatay daw ang kuya ko ‘pag isang taong gulang na ang anak niya. Namatay daw siya dahil sa aksidente sa sasakyan.
Ano ang ibig sabihin nito? Sana, masagot ninyo. Maraming salamat!
Naghihintay,
Aiz Za
Sa iyo Aiz Za,
Ang nanaginip ay ang pamangkin mo at ang napanaginipan niya ay ang nasaksak mong kuya at ang nakasaksak ay retiradong pulis kung saan siya ay namatay sa aksidente sa sasakyan.
Parang malinaw ito ng summary ng panaginip ng pamangkin mo.
Sa mga araw na napanaginipan ito ng pamangkin mo, siya ay masyadong tinatalo ng mga problema kaya siya ay nagiging negatibo at kapag ang tao ay negatibo, ang kanyang mga panaginip ay negatibo rin.
Kadalasan, ang mga panaginip ng taong negatibo ay walang sapat na batayan at malabong magkatotoo.
Kaya ang payo ay ang mga sumusunod:
1. Dapat ang bibig ay may kinakain o nginunguya. Mahirap paniwalaan, pero ito ang katotohanan na kapag ang bibig ng tao ay madalang gumalaw, siya ay magiging negatibo.
2. Gayundin, kapag ang mukha ng tao ay halos naka-steady, siya rin ay papasukan ng mga negatibong pananaw.
3. Dagdag pa rito, ang mga labing palaging nakasara ay mapabibilang sa mga taong negatibo.
4. Muli, maganda sa tao ay ang may nginunguyang pagkain o may ginigiling ang mga ngipin tulad ng pagkain ng mani at iba pang kutkutin.
5. Maganda rin na may tinutunaw sa bibig tulad ng tsokolate.
6. Minsan, ang ipinapayo ay kahit walang kinakain sa bibig basta ibuka ang bibig ng malaking buka na ang buong muscle sa mukha ay gagalaw.
7. Ang pagtingin sa mga masasayang lumang larawan ay kusang nagpapasaya sa mukha.
8. Maganda rin na balik-balikan ang mga naranasan ng tao, halimbawa, kung kailan siya napahiya dahil sa kanyang sariling pagkakamali.
Ito ‘yung tulad ng napagkamalang asukal ang asin, ang pinto na nakasara ay inakala na nakabukas, kaya nauntog, gayundin, nadapa dahil ang tsinelas ay mali ang pagkakasuot at iba pang personal na karanasan na nakakatawa.
Ang mga nasa itaas ay mga panlaban sa pag-atake ng negatibong puwersa na kapag sinunod ng tao ay hindi lang siya sasaya kundi ang mga suwerte ay maglalapitan din sa kanya.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments