Mga kandidatong pasaway sa socmed, mananagot!


HINDI maitatanggi na lalong pinakulay at pinaingay ng social media ang kampanya ngayong darating na halalan.
Kani-kanyang gimik kung paano makukuha ang atensiyon ng netizens na botante. Bagama’t, hindi pa rin nawawala ang marumi at mapanirang diskarte.
May gumagawa ng “fake news”, photos at videos. Kung hindi natin alam ang totoo, maaari tayong mapaniwala at maloko.
Kaya nagbabala na rin ang Commission on Elections (Comelec) na may oras din ang mga pasaway na kandidato at supporter nito.
Mananagot din umano ang mga sobra ang campaign advertisement.
Sa ngayon, aminado ang ahensiya na hindi pa nila maaksiyunan ang nasabing isyu pero, pagkatapos ng May 13, magkakaalaman na kung sino ang mga pasaway.
Bilang mga nag-aambisyon na maging public servant, dapat alam natin kung ano ang tama at mali; kung ano ang puwede at bawal.
Habang lumalawak ang ating pagkakataon na maabot ang taumbayan, sa pamamagitan ng internet at social media, gamitin natin ito nang patas.
Bilang mga botante, kailangan din nating maging matalino sa pagpili. Huwag basta maniniwala sa mga naka-post at higit sa lahat, huwag basta nagsi-share ng hindi natin sigurado kung totoo.





Comments