Matapos palagan, P-Duterte biglang-kambiyo | ‘DOBLE PLAKA’ SA MOTOR, STOP!

PLANONG suspendihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na mas malaking plaka sa harap at likod ng motorsiklo kasunod ng pagtutol dito ng libu-libong motorcycle riders.
Una nang nilagdaan ng pangulo noong nakalipas na buwan ang Motorcycle Crime Prevention Act na iniakda ni Senador Richard Gordon, na layuning mabawasan ang krimen sa sandaling maipatupad ang mas malalaking plaka.
Matatandaang, nagprotesta ang libu-libong motorcycle riders kontra sa naturang batas dahil maaaring makadisgrasya lamang ang mas malaking plaka kung ilalagay din sa harapan ng motorsiklo dahil sa aerodynamics ng motorsiklo kapag mas matulin ang pagpapatakbo nito.
Ayon kay Pangulong Duterte, tatalakayin niya ito kay Gordon at sa Land Transportation Office (LTO).
“Lakihan na lang ninyo ang plate number sa likod by one-fourth para makita talaga ‘yung number. Ang importante talaga ‘yung sa likod,” sabi ng pangulo.
“‘Yung sa harap… bigyan mo ng… kung may barilan d’yan, hindi mo na matingnan ‘yan. Pero kung papa — paalis na, mating… That’s the reason why it’s only at the back — placed at the back of…,” pahayag ng Chief Executive.
Ayon kay Pangulong Duterte, pinirmahan niya ang nasabing batas dahil sa rekomendasyon na rin ng pulis at militar.
Kaugnay nito, balak ni Duterte na babaan ang multa sa hindi susunod sa batas na maaaring P10,000 hanggang P15,000 lamang.
“Ayan narinig na niya, so kausapin ko si Gordon. Maybe… at saka mahal masyado sir, ‘yung ano — ‘yung fine 50,000. Masyadong mataas,” sabi ni Pangulong Duterte.





Comments