Malinaw ayon sa birthday... BEBOT NA CHUBBY NA NAKATAKDANG MAGKAROON NG BF SA EDAD NA 33 O 34 PATAAS
- BULGAR

- Apr 8, 2019
- 2 min read
Dear Maestro,
Hindi ako masyadong maganda, medyo maliit at may pagka-chubby, kaya sa edad kong 32 ay walang magkamaling manligaw sa akin, kaya wala pa rin akong boyfriend.
Noong nasa high school at college ako, kadalasan ay alalay lang ako ng mga kaibigan kong magaganda habang marami sa kanilang nanliligaw.
Palagi tuloy chaperon lang ang papel ko sa mga kaibigan ko. Kaya naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang itanong kung may pag-asa pa kaya akong magka-boyfriend at makapag-asawa at sa halip na ako ang palaging umaalalay ay ako naman ang aalalayan? September 28, 1986 ang birthday ko.
Umaasa,
Ms. Libra ng San Miguel, Calumpit, Bulacan
Dear Ms. Libra,
Kung pag-ibig at pakikipagrelasyon ang pag-uusapan, sabi nga nila, “daig ng malandi ang maganda!” Pero, hindi ko naman sinasabing “lumandi ka” at huwag nang magpaganda, sa halip, dapat kang magpaganda at magpa-charming pa para mas madali mong ma-attract ang kalalakihan.
Dahil ikaw ay under sa zodiac sign na Libra, ang pinakamabuti mong magagawa ngayon, lalo na at mainit ang panahon ay palagi kang maligo, araw-araw o dapat ay palagi kang mabango. Sa ganyang paraan, mabubuhay ang signos mong Libra na may ruling planet na Venus na madaling makaaakit ng mga manliligaw na lalaki.
Dagdag pa rito, ang zodiac sign mong Libra sa birth date na 28 o 1 (2+8 =10/ 1+0=1) ang nagsasabing kailangang makipagkaibigan ka sa mga lalaking isinilang sa zodiac signs na Gemini, Aquarius, Aries at kapwa mo Libra, puwede rin sa Virgo na may mga birth date na 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 4, 13, 22, 31, 6, 15, 24, 9, 18, 27, 3, 12, 21 at 30 kung saan darating ang takdang panahon na ang kapalaran ay huhugot sa nasabing mga zodiac sign at birth date ng matinong lalaking makaiisang-dibdib mo at makakasama, habambuhay.
Samantala, dahil lang birth date mo, tunay ngang hindi totoong wala kang appeal sa mga lalaki dahil bihira naman sa mga taong may mga birth date na 1, 10, 19 at 28, ang hindi nakapag-aasawa.
Kumbaga, likas sa kanila ang may “magnetic personality” na tinataglay lalo pa nga at nagkataong Libra ang iyong zodiac sign na nagtataglay ng ruling planet na Venus.
Ibig sabihin, basta medyo magpa-“flirt” ka lang, magpaganda at palaging magsusuot ng kulay pula at dilaw, makikita mo, biglang may manliligaw sa iyo hanggang sa tuluyan ka ng magka-boyfriend at makapag-asawa sa takdang panahong inilaan ng kapalaran.
Habang, ayon sa Love Calendar, kapag sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong binanggit na sa itaas, tiyak ang magaganap, ngayong taon ay may lalaking balingkinitan ang pangangatawan, semi-kalbo ang style ng buhok at medyo kayumanggi ang kulay ng balat ang darating sa nasabing panahon, sa edad mong 33 o 34 pataas, magkaka-boyfriend ka na, magkakaroon ka ng romantiko at masayang relasyon hanggang sa tuluyan ng makapag-aasawa at magkaroon ng simple at panghabambuhay na pamilya.




Comments