Tserman, 3 pa dinukot ng NPA

DINUKOT ng hinihinalang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang kapitan ng barangay at tatlong iba pa sa Bansud, Oriental Mindoro, gabi ng Biyernes.
Sa impormasyon mula kay Police Lt. Col. Socrates Faltado, kinilala ang mga biktima na sina Raymund Malupa, Louie Mebdinille, Ricky Capillo at Peter delos Santos, kapitan ng Bgy. Malo.
Ayon sa imbestigasyon, nasa sampung armadong lalaki ang tumangay sa mga biktima at tumakas patungong Sitio Sawmill sa nabanggit na barangay.
Sinasabing masugid na tagasuporta si Delos Santos ng kasalukuyang alkalde at re-electionist sa bayan ng Bansud na si Mayor Angel Saulong.
Gayunman, bago ang pagdukot, una na itong nai-report ni Mayor Saulong sa pulisya kaugnay ng ilang text messages sa kanya mula sa rebeldeng grupo at humihingi ng kabayaran para sa kanilang permit-to-campaign.
Nagbabala rin ang NPA na sasaktan nila ang sinumang mga kumakandidato sa lugar kapag hindi sila nagbayad sa pangangampanya.





Comments