top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Kaso ng tigdas, bumaba

Madel Moratillo
Apr 7, 2019
1 min read

BAGAMA’T, bumaba na ang bilang ng mga naitatalang kaso ng tigdas, nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi pa rin natatapos ang measles outbreak sa bansa.

Kasabay nito, sinabi ni Duque na naabot na ng DOH ang kanilang immunization target.

“Sinasabi lang natin na bumababa na, although, meron ding mga lugar na wala nang reported cases ng measles pero, ayaw naman nating sabihin na wala na ‘yung outbreak,” pahayag ni Duque.

Hindi pa rin aniya dapat magpabaya ang DOH at sa halip ay ipagpapatuloy ang istriktong kampanya laban sa sakit.

Dagdag pa ni Duque, hindi nila maaaring tanggalin ang deklarasyon ng outbreak upang tuluy-tuloy pa rin ang paghikayat sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

Sa ulat ng DOH, umaabot sa 3.8 milyong bata na anim hanggang 59-buwang gulang, ang natapos na nilang bakunahan laban sa tigdas noong Marso.

Samantala, sinabi naman ni Health Undersecretary Eric Domingo na maaari lamang nilang ideklara na tuluyan nang under control ang sitwasyon kung wala na silang maitatalang kaso ng sakit sa loob ng anim hanggang pitong linggo.

Paliwanag pa niya, sa ngayon, bagama’t, bumaba na ang naitatala nilang measles cases ay nakapagtatala pa rin sila ng mga bagong kaso ng sakit.

Matatandaang, noong Pebrero ay nagdeklara ang DOH ng measles outbreak sa ilang rehiyon sa bansa, kabilang ang Metro Manila, matapos makapagtala ng pagtaas ng bilang ng measles cases.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page