Iligal na droga, hindi maubus-ubos!


TINATAYANG nasa P5.27 bilyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa unang bahagi ngayong 2019.
Ganito katalamak ang iligal na droga sa bansa.
Isipin natin, ilang buhay na naman ang tinangkang wasakin ng 776.06 kilos ng shabu.
Ayon sa ahensiya, ito ang pinakamataas na narekober na kontrabando sa unang tatlong buwan sa isang taon sa kasaysayan ng drug law enforcement agency.
Doble umano ng ikalawang pinakamataas na nakuhang kontrabando sa unang bahagi noong 2015 na may 314.47 kilos.
Kasabay nito, nasa 2,818 drug suspects naman ang naaresto.
Tila hindi maubus-ubos at lalo pang lumala.
Halos araw-araw ay may ginagahasa, pinapatay at ang salarin, nasa ilalim ng impluwensiya ng iligal na droga.
Paano mawawala o mababawasan man lang ang kriminalidad kung may mga nakapupuslit pa ring ipinagbabawal na gamot? Paano matatakot ang mga kriminal kung matapos mahuli ay nakalalaya naman? Paano matatapos ang giyera kontra iligal na droga kung ang mga drug lord ay malaya at makapangyarihan pa ring namumuhay?
Batid nating hindi ito kakayanin ng gobyerno o ng ilang ahensiya.
Bilang mamamayan, obligasyon nating makiisa sa pagpapanatiling ligtas ng ating bayan at kung sisimulan natin ito sa ating pamilya.
Bantayan ang isa’t isa at lumayo sa iligal na droga!





Comments