Mga mangingisda, umaaray na rin sa grabeng tagtuyot


HINDI lamang ang mga magsasaka ang apektado sa El Niño, sapol din ang mga mangingisda.
Marami nang palaisdaan ang natuyo at namatayan ng mga isda sanhi ng mainit na panahon.
Tulad sa Lungsod ng Dagupan, sadyang nababahala na ang mga bangus grower sa pagkatuyo ng mga palaisdaan.
Mababaw na umano ang ilog kaya hindi makapasok ang tubig sa lugar.
Kaugnay nito, limang mga barangay sa lugar ang sinasabing naperhuwisyo at halos P9 milyon na ang halaga ng pinsala sa mga palaisdaan. May ulat ding naapektuhan maging ang seaweeds.
Hindi tulad ng ibang kalamidad, tahimik subalit, mapanira ang epekto ng El Niño.
Ilang taon lang ang nakaraan nang isinailalim sa ‘state of calamity’ ang walong probinsiya at 12 siyudad dahil sa matinding dulot ng tagtuyot.
Sa kasalukuyan, nagbabala na ang PAGASA na posibleng sa susunod na buwan ay 33 probinsiya naman ang magkakaroon ng tinatawag na ‘meteorological drought’ o mas kaunting ulan kaysa sa normal.
Mainam na namo-monitor ang panahon at nasasabayan ng pagkilos upang mapagaan ang pamumuhay ng mga nasa lugar na apektado.
Habang wala pa tayong kongkreto at pangmatagalang solusyon, sana ay matulungan muna ang ating mga kababayang umaaray sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng alternatibong mapagkakakitaan.





Comments