Ninakawan pambili ng alak, pumalag | MOMMY, ANAK NA 5 AT 8 MINASAKER
- Jeff Tumbado
- Apr 5, 2019
- 2 min read

WALA ng buhay nang madiskubre ang ina at kanyang dalawang anak sa loob ng kanilang bahay sa Bgy. Kaypian, San Jose del Monte, Bulacan, kamakalawa ng gabi.
Kapwa may malalalim na mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang ginang na si Jaymee Casabuena, 28, at mga anak na edad 8 at 5.
Patay din sa labas ng bahay ng mag-inang Casabuena ang alaga nilang aso na sanhi rin ng pananaksak.
Ayon kay Police Lt. Col. Orlando Castil, Jr., naaresto sa follow-up operation ang itinuturing na mga suspek at kasalukuyang iniimbestigahan.
Nabatid sa naibigay na pahayag sa pulisya ng isa sa mga saksi sa karumal-dumal na krimen, huli niyang nakita si Casabuena na may kasamang lalaki na gumagawa sa bubong nito alas-6:00 ng gabi ng Martes.
Makalipas ang ilang oras, may namataan siyang dalawang lalaki na pumasok sa bahay ngunit, wala siyang narinig na anumang ingay.
Lumalabas na tumawag ang kaanak ng mga biktima nitong Miyerkules ng umaga pero, hindi na ito sumasagot.
Sinadya na lamang umanong puntahan sa bahay ng kaanak si Casabuena ng alas-8:30 ng Miyerkules ng gabi upang sunduin ito kasama ang dalawang anak dahil parating ang ina nito na galing Abu Dhabi.
Nang dumating sa bahay ay dito na tumambad ang nakapanlulumong sinapit ng mag-iina. Natagpuan sa sala si Casabuena habang ang isang bata ay nakadapa sa kama at ang isa ay nasa kusina.
Narekober sa crime scene ang isang kutsilyo na posibleng ginamit sa krimen.
Ayon sa report, magulo ang kuwarto ng ginang kung saan natagpuang bukas ang mga drawer.
Napag-alamang bagong lipat lamang ang mga biktima sa lugar kaya hindi pa masyadong kilala ng mga residente.
Kinumpirma naman ng mga awtoridad ang agarang pagkakadakip kay Wilson Cortes sa North Caloocan na umano’y live-in partner ng pinsan ni Casabuena.
Sa isa pang follow-up operation ay nahuli ang pangalawang suspek na si Joselito Cortez.
Nakainom at nakadroga umano ang mga suspek nang gawin nila ang pagpatay.
Ikinumpisal umano ng dalawa na pagnanakaw ang motibo nila sa mga biktima pero, nanlaban kaya nila napatay ang mga ito.
Natunton na rin umano ng pulisya kung saan ibinenta ng mga suspek ang ninakaw na cellphone ng biktima na ipinambili ng alak.





Comments