top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Lalo na ngayong marami ang nauuto ng ilang opisyal | Publiko, walang utang na loob sa mga pulitiko

Ryan B. Sison
Apr 5, 2019
2 min read

KORUPSIYON ay matitigil kung ang mga pulitiko sa bansa ay hindi suwail!

Sa kampanya ng PDP-Laban na naganap sa Malabon noong Martes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na: “Wala kayong utang sa mga pulitiko, lahat ‘yan pati suweldo nila, pera ninyo. Kaya huwag kayong magsabi na ito si mayor ano galante. Anak nang jue­teng! Hindi ninyo alam kung saan ‘yan buma­bawi”!

Mabigat ang naging pahayag ng pangulo na sa totoo lang ay may punto dahil kung tu­tuusin tayo naman talaga ang nagbabayad sa mga pulitiko!

Gayunman, nasabi ito ng pangulo dahil sa pagkadismaya sa isyu hinggil sa red tape at korupsiyon sa gobyerno na hanggang ngayon ay talamak pa rin at walang pagbabago.

Ipinaalala rin niya na dahil sa mga ma­mamayan kung bakit tumatakbo ang gobyerno.

Samantala, kahit na kontrolado niya ang mga ahensiya na nasa ilalim ng kanyang tang­gapan, wala umano siyang kontrol sa mga halal na opisyal na nagiging tiwali.

Kung ganu’n, sino ang may kakayahang kontrolin at putulin ang sungay ng mga ito? Hahayaan na lang ba nating nakawin ang kaban ng bayan kahit na alam naman natin kung ano ang kanilang mga kalakaran? Hmmm…

Matatandaang , ilang opisyal na ng gobyer­no ang sinibak ni P-Duterte dahil sa alegas­yon ng graft and corruption habang nasa puwesto.

Kaya tayo bilang mamamayan, matuto tayong ipaglaban ang ating karapatan.

Totoo na kapag sila ay naging opisyal ay may mga bagay at proyekto na sila ang mas nakaaalam kung saan sila ang inatasan para mamuno rito, pero wala silang karapatan na manggipit at manlamang sa mga tao, lalo na at pinaghihirapan din natin ang mga ibinabayad nating buwis.

‘Ika nga ng iba, hindi na napupulot ang pera ngayon, kaya para sa pagbabago, mga “epalitiko”, magtino na kayo!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page