Kinakailangang ipasuri ang sasakyan at makapasa sa emission standards upang maiparehistro
- BULGAR

- Apr 5, 2019
- 1 min read
Dear Chief Acosta,
Ako ay may planong bumili ng sasakyan. Ngayon, nagtanong ako sa mga kaibigan ko kung ano ang mga kinakailangan kong gawin upang maiparehistro ko ang aking sasakyan. Isa sa kanila ang nakapagsabing kinakailangan daw ipasuri ang aking sasakyan para malaman kung pumasa ito sa emission standards. Ngayon, nais kong malaman kung ilang araw ko ba dapat maipasuri ang sasakyan ko bago ito iparehistro? — David
Dear David,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Republic Act No. 8749 o Philippine Clean Air Act of 1999. Nakasaad sa Section 22 ng nasabing batas na:
“SEC. 22. Regulation of All Motor Vehicles and Engines.
xxx
No motor vehicle registration (MVR) shall be issued unless such motor vehicle passes the emission testing requirement promulgated in accordance with this Act. Such testing shall be conducted by the DOTC or its authorized inspection centers within sixty (60) days prior to date of registration.” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, kinakailangan ninyong ipasuri ang inyong sasakyan sa loob ng animnapung (60) araw bago ito iparehistro.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments