2 kubrador ng jueteng, timbog
- Gina Pleñago
- Apr 5, 2019
- 1 min read

ARESTADO ang dalawang lalaki na sinasabing kubrador ng jueteng matapos magsagawa ng anti-illegal gambling operation ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office- Regional Special Operations Unit (NCRPO-RSOU) sa Las Piñas City nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni NCRPO Chief Director General Guillermo Eleazar ang dalawang suspek na sina Colina Palacio, 49, at Leonardo Cartel, 37, kapwa naninirahan sa Pag-asa, Pilar Village.
Sa report ng NCRPO-RSOU, naaresto ang dalawa sa kanilang lugar alas-7:00 ng gabi. Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad kaugnay sa pagkakaroon ng operasyon ng illegal number games na jueteng sa naturang lungsod.
Dito na nagkasa ng operasyon ang mga pulis kung saan isa sa kanila ang nagpanggap na tataya ng jueteng sa mga suspek.
Nang tanggapin ang taya, rito na dinakma ng mga pulis ang mga suspek.
Nakuha sa kanila ang bet money na P200, ballpen, listahan ng taya sa jueteng, Lotto 6/49 booklet, karton na may nakasulat na number combination at iba pang gamit.
Dinala ang dalawa sa himpilan ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa PD 1602 na inamyendahan ng Republic Act 9287 o illegal numbers game/jueteng.





Comments