Magulang na sumakabilang buhay na

Salaminin natin ang panaginip ni Janice ng Janice_Landra@face- book.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko, nasa bahay daw ako kasama ang nanay at tatay ko. Kinumusta ko ‘yung nanay ko, tapos, nilapitan ko naman ang tatay ko na nakaupo.
Sabi ko, kumusta na, ‘tay? Sabi niya sa akin, sino ka? Ikaw ba si Jesus? Sumagot ako na si Janice ito, ‘tay! Wala naman na kayong anak na Jesus at ako na ang bunso ninyo! Tapos, inisip ko na lang na baka ‘yung binabanggit niyang Jesus ay ‘yung kinakasama ko, kasi Jesus ang pangalan ng kinakasama ko.
Tapos, maya-maya ay tinawag ako ng ate ko na nasa kabilang bahay. Ang sabi ng ate ko, tawagan mo nga ako sa telepono? Kaya agad akong tumawag, pero hindi ako maka-dial. Tatlong beses ko nang sinubukang mag-dial, pero hindi ko magawa. Tapos, sabi ko sa nanay ko, next time, pakisulat ‘yung numero sa kalendaryo para makita ko.
Ano ang mensahe ng aking panaginip?
Maraming salamat!
Naghihintay,
Janice
Sa iyo Janice,
Una, kumusta ang kinakasama mo? Sana nasa mabuti siyang kalagayan.
Pangalawa, bunso ka kaya mahal na mahal ka ng mga magulang mo at dahil mahal na mahal ka nila, siyempre, ang gusto nila ay ang maging maayos ang buhay mo. Ang totoo nga, noong sanggol ka pa lang habang ikaw ay kanilang pinagmamasdan, masasalamin na ang pangarap nila sa iyo ay ang magkaroon ka ng buhay na maganda.
Pero ngayon, ayon sa iyo ay may kinakasama ka kaya ang ibig sabihin, hindi ka kasal at ang iyong pakikipagrelasyon, aminin mo man o hindi ay maling nangyari sa buhay mo.
Kaya lang nand’yan na ‘yan, kumbaga, okay na rin dahil hindi naman maibabalik ang orasyon ng buhay .
Pero, kung magagawa mong maiayos ang iyong kinabukasan, ang tatay at nanay mo na nasa kabilang buhay na ay matutuwa dahil ang pinangarap nila sa iyo noon pa man na maging maganda ang buhay mo ay puwede pa ring magkaroon ng katuparan.
Mag-ipon ka para sa iyong kinabukasan, huwag kang umasa na habambuhay ay aalayan ka ng iyong kinakasama, lalo na kung nagkataong siya ay mas matanda sa iyo, ibig sabihin, kung hindi mo paghahandaan ang future mo ay hindi mapapanatag ang kaluluwa ng mga magulang mo kung saanman sila naroroon ngayon.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments