Dahil nalalapit na ang halalan Kaliwa’t kanang paalala para sa mga kandidato, ikinakasa na
- Ryan B. Sison
- Apr 4, 2019
- 2 min read

ISANG buwan na lang at magaganap na ang inaabangan ng lahat na halalan, kaya naman kaliwa’t kanan na ang pagpapaalala ng mga kinauukulan para sa mga kandidatong matitigas ang ulo at patuloy na nagpapasaway.
Kasabay nito, binalaan ang mga tatakbo tungkol sa pagbibigay ng donasyon para sa konstruksiyon ng mga istruktura na maaaring gamitin ng publiko kabilang na ang mga Simbahan, ito ay dahil nakasaad ito sa Section 104 ng Omnibus Election Code.
Nakasaad sa probisyon na “no candidate, his or her spouse or any relative within the second civil degree of consanguinity or affinity, or his campaign manager, agent or representative shall, during the campaign period, on the day before and on the day of the election, directly or indirectly, make any donation, contribution or gift in cash or in kind, or undertake or contribute to the construction or repair of churches or chapels or any structure for public use or for the use of any religious or civic organization.”
Kung saan ang paglabag sa naturang batas ay maituturing na election offense, kaya posible itong magresulta sa pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, diskuwalipikasyon sa pagtakbo sa halalan at pagtanggal sa karapatang makaboto.
Kaya para sa mga kandidato, kung gusto at desido talaga kayong makakuha ng boto at manalo, imbes na maging matigas ang ulo, sumunod na lamang kayo sa mga patakaran para madali ang usapan!
Samantala, ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, ang regular donations na ibinibigay sa Simbahan tuwing may misa ay exempted sa naturang probisyon.
Gayundin, kung magbibigay lang din naman kayo ng donasyon para iboto kayo ng mamamayan, huwag na lang dahil binibigyan lang ninyo ng dahilan ang mamamayan na magaling lang kayo kapag may kailangan. ‘Yun lang!
Kaya sa mga botante riyan, kilatisin ninyong mabuti ang mga tatakbo ngayong darating na eleksiyon para hindi kayo mabiktima ng mga pulitiko na sa una lang magaling, tapos kapag nakaupo na ay nakalilimot din.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments