Ama at madrasta huli rin | PULIS TULAK, KULONG
- V. Reyes
- Apr 4, 2019
- 1 min read

ARESTADO ang miyembro ng Philippine National Police (PNP), gayundin ang kanyang ama at madrasta nang mahuli sa aktong nagbebenta ng iligal na droga sa Bgy. Pasong Tamo, Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police District Director Brigadier General Joselito Esquivel, Jr., ang mga suspek na sina Patrolman Darryl Galendez alyas Dary Pulis, 25; kanyang amang si Daniel Galendez, 50, at madrastang si Estella Alfonso, 36.
Una nang nakatanggap ng impormasyon ang Talipapa Police Station sa Quezon City tungkol sa pagkakasangkot umano ng pulis at ng ama nito sa pagtutulak ng iligal na droga.
Agad na ikinasa ang surveillance at nang makumpirma ang iligal na aktibidad ng mag-ama ay isinagawa na ang buy-bust operation alas-10:30 ng Martes ng gabi sa bahay ng matandang Galendez. Patuloy namang tinutugis ang isang alyas Balawis na sinasabing kasabwat ng mga suspek.
Nasamsam mula sa mga suspek ang pitong sachets ng hinihinalang shabu, isang hindi lisensiyadong kalibre .45 pistola na may pitong bala, apat na cellular phones at P200 buy-bust money.
Nabatid na ang batang Galendez ay pumasok lamang sa police service noong 2017 at naitalaga sa Police Community Precinct 2 ng Malabon City Police Station. Dati naman umanong tulak ng shabu si Alfonso at nakulong na pero, nang makalaya ay bumalik ulit sa iligal na gawain.
Kinumpirma naman ng ilang barangay officials sa lugar na ginagamit umano ng mga suspek ang kanilang bilyaran bilang front sa pagbebenta ng shabu. Aminado naman umano ang pulis na batid niyang gumagamit ng iligal na droga ang ama ngunit, kahit hinihikayat niya itong tumigil na ay hindi ito sumusunod sa kanya.





Comments