13 taong pugante na pumatay sa PSG, arestado

NAARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek sa pagpatay sa miyembro ng Presidential Security Group (PSG) sa Tondo, Manila.
Nadakip si Ronnie Rivera alyas Ogie ng mga tauhan ng NBI Task Force Against Illegal Drugs sa San Pedro, Laguna noong Abril 1, 2019.
Maliban sa pagpatay kay Police Officer 2 Gabriel Gabriel ng PSG noong Hunyo 19, 2016, may kinahaharap na ring mga kasong kriminal si Rivera noong 2002 kabilang ang frustrated homicide, homicide at frustrated murder sa Manila Regional Trial Court.
Napatay ni Rivera si PO2 Gabriel, kasama ang apat pang kasamahan nito nang magkaroon ng gulo sa Coral Street, Bgy. 166 sa Tondo.
Ilang residente rin ang nadamay sa walang habas na pamamaril ng grupo ni Rivera.
Nag-ugat umano ang alitan nang maingayan ang grupo ni Rivera sa grupo ni Gabriel na nasa isang kainan.
Papauwi na sana si Gabriel at mga kasama nito nang harangin ng grupo ni Rivera at walang habas silang pinagbabaril.
Napatay din sa insidente ang kasambahay ni Gabriel na si Crisanto Giovanni Lozano.
Nasamsam mula kay Rivera ang isang kalibre .45 baril, mga bala at umano’y mga pekeng ID.
Nahaharap ngayon ang suspek sa karagdagang mga kaso kabilang ang paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act, Batas Pambansa 881 o Omnibus Election Code of the Philippines at Republic Act 6085 o Illegal Use of Alias.





Comments