UY, TOPS ATHLETE OF THE MONTH; ALVAREZ AT AGUILAR SA FORUM
- MC/Clyde Mariano
- Apr 3, 2019
- 2 min read

ITINANGHAL na TOPS “Athlete of the Month” sa buwan ng Marso si pole vault superstar Natalie Uy nang maestablisa niya ang bagong Philippine record nitong katatapos na 2019 Ayala Philippine Athletics Championship sa Ilagan, Isabela.
Pinakabagong darling sensation ang 24-anyos na Filipino-American Uy nang makagawa ng bagong national women’s pole vault record noong Marso 5.
Nalundag ni Uy, kung saan ang kanyang ama na mula sa Cebu ang 4.12 meters sa una niyang pagsubok na sumira sa record ni Deborah Samson na 11-taon niyang hinawakan, 4.11m.
Sapat na ang record-breaking feat para sa gold medal sa nalalapit na 30th Southeast Asian (SEA) Games mula sa itinala noong 2017 ni Kuala Lumpur gold medalist Chayanesa Chomchuendee ng Thailand na mayroon lamang 4.10m.
“Natalie’s success is a welcome news for Philippine sports, which need new heroes in time for the coming SEA Games late this year,” ayon sa Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS).
Si Uy ang tanging ikatlong Pinoy athlete na kinilala ng TOPS kasunod nina world boxing champion Manny Pacquiao (Enero) at swimming sensation Jasmine Mojdeh (Pebrero).
Samantala, panauhin sina Manny Lopez at Ali Atienza, dalawa sa mga naging sports leaders na naging public servants, sa 17th TOPS “Usapang Sports” bukas, Huwebes, Abril 4 sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
Dadalo rin sina dating Catanduanes VG at sports patron Bong Joson Teves at PBA legend Bong Alvarez sa 10 a.m. session na suportado ng Philippine Sports Commission at ng NPC na palagiang live sa Facebook via Glitter livestream.
Darating din sa forum si Universal Reality Combat Championship (URCC) founder Alvin Aguilar at iba pang top fighters na babanat sa “URCC Global: Raw Fury” event sa Okada Manila sa Abril 27.
Tatalakayin ni Lopez, dating pangulo ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) at 2012 London Olympics chef de mission, ang tsansa ng bansa sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games maging ang kanyang planong palakasin ang sports at imulat sa palakasan ang kanyang nasasakupan. Ang TOPS ay binubuo ng sports editors, reporters at photographers mula sa mga pangunahing tabloids sa bansa.





Comments