Truck drivers, hinihiritan ng P50 | KOTONG COP, TIKLO

NAKIPAGHABULAN pa sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang pulis ng Northern Police District (NPD) na sangkot umano sa pangongotong ng ‘parking fees’ sa mga truck driver, bago tuluyang naaresto kahapon ng umaga sa Tondo, Manila.
Nakadetine sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section ang suspek na si Patrolman Arnel Pastrana Agustin, 35, residente ng Tondo at nakatalaga sa NPD-Traffic Enforcement Unit.
Nakorner ang suspek ng mga miyembro ng Manila District Traffic Enforcement Unit sa Road 10, alas-7:00 ng umaga.
Ayon kay Police Corporal Jed Magat, ipinaalam umano ng truck driver na si Rico Aleon na sila ay pinuntahan ng suspek na inakala nilang pulis-Maynila at kumolekta ng P50 upang payagan na makapanatili sa lugar kung saan nagalit pa umano ang suspek sa P50 na ibinigay dahil hindi na umano uso ang P50 ngayon pero, tinanggap din ng suspek.
Nagkataon na nakita ni Magat at kanyang kasama na si Police Corporal John Patrick Caranguian, si Agustin na nasa lugar pa at nakasuot ng uniporme at nang lapitan para sitahin, sinabi nito na iihi lamang siya kasunod noon ay bigla itong tumakbo.
Hinabol umano nila ang suspek hanggang sa makorner at mahuli kung saan nakumpiska ang isang .45 kalibre na may walong bala at isang butterfly knife.
Nabatid na ang suspek ay inirereklamo sa pangongotong sa mga truck driver sa lugar at ayon kay Police Staff Sergeant Kaiser Mijares, ang suspek ay una nang na-dismiss sa serbisyo pero, nakabalik noong 2013.
Nagpapakilala umano itong miyembro ng MPD at may tatlong taon nang nangongotong sa lugar at naka-duty nang muling mangotong. Samantala, pinayuhan naman ni MPD District Director Police Brigadier General Vicente Danao, Jr. ang pulis na huwag munang magpiyansa habang siya ang director ng MPD.





Comments