top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Pagkabahala ng AFP sa pagdagsa ng malalaking barko ng China, dedma lang sa Palasyo, tsk-tsk-tsk!

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 3, 2019
2 min read

IPINROTESTA na raw ng Palasyo sa China ang dami ng mga barkong nakapaligid sa Pag-asa Island, isang isla sa Spratlys na kontrolado natin. Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang Department of Foreign Affair (DFA) umano ang nagprotesta para sa bansa. Wala nang ibang detalyeng ibinigay hinggil dito, pero hindi puwedeng hindi mabigyan ng pahayag na pabor na naman sa kliyente ng Palasyo. Kung hindi naman daw gumagalaw ang mga barko ng China, baka nagmamasid lang daw.

Kung ang Armed Forces of the Philippines (AFP) mismo ang nababahala sa rami ng pumapaligid o dumaraang barko mula China na ayon kay Panelo ay “exaggeration” lang daw, bakit tila hindi ito binibigyang-halaga ng Palasyo? Kung ganu’n, wala nang halaga kung ano ang sabihin ng AFP basta China ang pinag-uusapan? Hindi makita ng Palasyo na dahil nandu’n lang ang mga barko ng China, wala nang makadaraan nang hindi maha-harass ng mga ‘yan. Hindi raw sila armado at nangingisda lang, ayon sa ambassador ng China. Siguro, bulok na ang mga nahuli nila dahil ayon sa AFP, hindi sila gumagalaw. Ang layunin ng mga ‘yan ay para ipakita at ipaalam sa lahat na sa kanila ang karagatan at para wala nang ibang makapangisda kundi sila.

◘◘◘

Nagsimula na ang Balikatan 2019, ang ehersisyong militar ng Pilipinas at Amerika na ginaganap, taun-taon, dahil magkaalyado ang dalawang bansa. May mga sundalong galing Australia na makikibahagi pati na rin ang ilang observer mula sa iba’t ibang bansa, pero siguro hindi na naman papansinin ng pangulo ang mga ‘yan dahil galing ito sa mga Amerikano, pero kung galing sa China ang mga ‘yan baka dumalo pa ito para makasuot ng uniporme ng sundalo.

Sa mga talumpati sa pagbukas ng Balikatan sa Camp Aguinaldo, iginiit ng mga opisyal ng Department of National Defense (DND) at AFP na kailangang balikan ang Mutual Defense Treaty para linawin ang ilang probisyon, partikular sa pagtulong sa depensa ng teritoryo ng Pilipinas. Batay sa kasunduan, mukhang hindi pa kasali ang mga islang pinagtatalunan sa Spratlys Island at Scarborough Shoal. Sigurado, ito ang nais linawin sa kasunduan, pero kahit baguhin nila ang mga probisyon, ano naman ang magagawa ng DND at AFP kung yakap na yakap ng pangulo ang anumang may kaugnayan sa China? Gayunman, sana ay maging matibay at malakas ang pagkakaibigan at pagkakaalyado ng mga militar ng dalawang bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page