Mga magsasaka, nadale na rin sa 'tokhang'?!
- BULGAR

- Apr 3, 2019
- 2 min read
PATI ANG MGA MAGSASAKA, TINOTOKHANG NA RIN?—Nag-iiyakang sinabi ng mga pamilya ng 14 kataong minasaker ng PNP at AFP sa Negros Oriental na hindi raw mga rebelde kundi mga magsasaka lang daw ang mga pinatay at wala raw armas ang mga biktima.
Kung ganu’n, hindi lang pala maralitang adik at pusher ang mga “tinotokhang” ngayon kundi pati ang mga magsasaka.
Dahil d’yan, naalala natin ang utos ni P-Duterte noon sa mga pulis at sundalo na “kapag walang baril, bigyan ng baril at kapag ayaw lumaban, palabanin,” period!
◘◘◘
TANTANAN NA ANG PAGTUNGHAY SA “FAKE NEWS” NG MGA DDS BLOGGER—Tinanggal ng Facebook ang mahigit 67 pages, 68 accounts, 40 groups na nagpapakalat ng “fake news” sa social media kabilang ang ilang social media ng mga pro-Duterte blogger.
Kaya ang panawagan natin sa netizens, tantanan n’yo na ang katutunghay sa ipino-post ng mga DDS dahil ang misyon ng mga ‘yan ay gawing mangmang ang publiko sa mga ipinu-post nilang fake news sa social media, boom!
◘◘◘
MAKUPAD ANG JUSTICE SYSTEM SA PILIPINAS—Apat na dating opisyales ng Quezon City Engineering Office ang hinatulan ng Sandiganbayan ng 6-10 taong pagkakakulong matapos mapatunayan ng korte na pinayagan ng mga ito na mag-operate ang Manor Hotel kahit wala itong mga kaukulang permit na naging dahilan upang mamatay ang 75 katao nang masunog ang hotel noong 2001.
Ganyan kakupad ang justice system sa bansa kasi makalipas ang halos 19 taon ay saka lang ibinaba ang hatol sa mga akusado, buwisit!
◘◘◘
JOURNALIST, 2 BESES NANG INARESTO, PERO SI DRUG LORD PETER LIM, HINDI PA NAAARESTO—Dahil sa pagbabalita ng mga maling polisiya ng gobyerno ay sangkaterbang kaso ang isinampa ng pamahalaan sa CEO ng Rappler na si Maria Ressa at sa mga kasong ito ay dalawang beses siyang nakatikim ng pag-aresto mula sa mga awtoridad.
Pero, ang wanted na kumpareng drug lord ni P-Duterte na si Peter Lim, kahit isang beses, hindi pa nakatikim ng pag-aresto, pwe!





Comments