Gov‘t. employees nag-o-online games, nanonood ng movie etc. — CSC | GADGET, BAWAL!

NAIS ni Civil Service Commissioner Aileen Lizada na maipagbawal na ang paggamit ng cellular phone at iba pang gadget sa mga empleyado ng pamahalaan na maituturing na nasa frontliner.
Ibinatay ni Lizada ang kanyang panukala sa resulta ng isinagawa nitong mga sorpresang pagbisita sa ilang ahensiya ng gobyerno kung saan may ilang tauhan ng gobyerno ang nahuling naglalaro ng online games o nanonood ng pelikula gamit ang mobile phone.
Aminado si Lizada na sa ngayon ay walang umiiral na polisiya tungkol sa pagbabawal sa paggamit ng cellphone ng mga frontliner ng gobyerno o ang mga humaharap at direktang nagbibigay ng serbisyo sa publiko, maliban na lang kung may internal policy sa bawat departamento.
Ito aniya ang kanyang nais ipursige sa CSC para makapagtakda ng mga panuntunan kaugnay sa paggamit ng cellphone at gadgets habang nasa trabaho sa gobyerno.
Muli ay nagpaalala si Lizada sa mga kawani ng pamahalaan na maging responsable at gawin ang kanilang trabaho dahil pinasusuweldo sila nang maayos ng taumbayan.





Comments