Panghoholdap sa pampublikong palikuran, bagong raket ng mga kawatan!
- BULGAR

- Apr 2, 2019
- 2 min read
MGA ka-BULGAR, mahilig ba kayong magpunta sa mall para magpalamig dahil sa sobrang init ng panahon at kapag nakaramdam ng tawag ng kalikasan ay agad kayong pupunta sa comfort room para mailabas lang ang nararamdaman?
Para sa inyo ‘to mga suki dahil namamayagpag ang mga holdaper sa loob ng C.R. ng mga mall at pangkaraniwang palikuran na nagkukunwaring umiihi o iihi pa lang, pero nagmamatiyag pala ng bibiktimahin.
Ayon sa biktimang itago natin sa alyas Shane, nagtungo siya sa C.R. ng isang kilalang mall upang magbawas at umihi nang mapansin nitong isang babae lamang ang nasa loob kaya kampante itong nagtungo sa cubicle ng C.R., pero nang nasa kalagitnaan na siya ng pag-ihi ay nilapitan siya ng suspek na nakita niyang sa pag-aakala nito ay umiihi rin, pero nagkukunwari lang pala at agad siyang tinutukan ng patalim at nagdeklara ng holdap.
Ayon pa sa sumbong ng nahintakutang biktima ay puwersahan umanong kinuha ng demonyong suspek ang kanyang wallet, backpack at alahas at nang makuha ang lahat ng pakay ng hinayupak na suspek ay nagmadaling tumakas ang babaeng suspek na kaswal na naglakad na parang walang nangyari.
Ito ngayon ang modus ng mga halang ang bitukang mga holdaper sa loob ng comfort room. Mga ka-BULGAR, kung kayo ay magtutungo sa comfort room kahit mapa-mall, sinehan o pangkaraniwang comfort room man, tiyakin muna ninyo na ligtas ang lugar dahil dito ngayon ang paboritong lugar para mangholdap ang mga demonyong ito dahil alam ng mga babae o lalaking suspek na hindi sila mahuhuli ng awtoridad.
Tripleng pag-iingat lang mga lodi para hindi kayo mabiktima ng mga kamag-anak ni Taning na comfort room naman ang ginagawang kanlungan para mangholdap.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang nagpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments