Kaunting bilang ng katoliko sa Morocco, oks lang - Pope Francis
HINDI umano trabaho ng mga Katoliko sa Morocco ang panghihikayat sa iba na maging kaanib ng Simbahang-Katolika, ayon kay Pope Francis.
Sa dalawang araw na Papal visit sa bansa, iginiit ng Santo Papa ang kahalagahan ng interfaith dialogue.
Ang Morocco ay pre-dominantly Muslim country na mayroong 23,000 Katoliko kung saan karamihan sa kanila ay expatriate Europeans at sub-Saharan African migrants.
Sa kanyang pulong sa mga lider ng Catholic community sa Rabat’s Cathedral, sinabi ni Pope Francis na hindi lumalago ang Simbahan sa pamamagitan ng ‘proselytism’ kundi sa kusang pagkabighani.
Dagdag pa ng Santo Papa, ang misyon ng mga Katoliko, pari at mga buhay-konsegrada ay hindi nasusukat sa dami ngunit, sa pamamagitan ng kakayahan ng mga itong magpatupad ng pagbabago at maging instrumento ng habag.
Hindi aniya problema ang kaliitan ng bilang kundi ang kawalan ng saysay.
Gayundin, naniniwala si Pope Francis na ang mga Katoliko ay tinawag para maging bahagi ng inter-religious dialogue sa mundo na hinahati ng karahasan.





Comments