Kaugnay sa sunog na ikinamatay ng 74 noong 2001 | EX-QC OFFICIALS, MANOR HOTEL EXECS., 30 YRS. KULON
- V. Reyes
- Apr 2, 2019
- 1 min read

HINATULAN ng Sandiganbayan 7th Division na guilty sa tatlong bilang ng kasong katiwalian ang ilang mga dating opisyal ng Quezon City, gayundin ng Manor Hotel kaugnay sa naganap na sunog noong 2001.
Pagkakapiit ng anim hanggang 10 taon bawat kaso ang ipinataw kina dating City Engineer Alfredo Macapugay at Electrical Division Chief Romeo Montallana ng Quezon City Engineering Office.
Natukoy din na guilty beyond reasonable doubt sina Engineer Romualdo Santos, Inspector Gerardo Villaseñor, Inspector Rodel Mesa; ang mga may-ari at incorporator ng Manor Hotel na sina William Genato, Rebecca Genato, Marion Fernandez at Dionisio Agengino at ang hotel manager na si Candelara Arañador.
Binigyang-diin ng anti-graft court na itinuloy ang operasyon ng hotel sa kabila ng mga natukoy na structural at safety violations noong 1999 hanggang sa mangyari ang sunog noong gabi ng Agosto 18, 2001.
Aabot sa 74 katao ang namatay habang marami ang nasugatan sa nasabing sunog.
Pinatawan din ng perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno at hindi pagbibigay ng retirement benefits ng mga dating opisyal ng gobyerno.
Patuloy pa ring pinaghahanap ang co-owner ng hotel na si Antonio Beltran habang pumanaw na si Porfirio Germina bago pa maibaba ng korte ang hatol nito.
Kabilang sa mga binigyang-diin ng Sandiganbayan sa desisyon nito ang limitadong electrical supply sa hotel, walang smoke detection at water sprinkling system, kakulangan sa fire alarm system na gumising sana noon sa mga kustomer, kakulangan ng fire drill sa mga empleyado, hindi mapasok na fire exits at ang paglalagay ng mga bakal na grill kaya hindi agad nakalabas ang mga bisita na gustong tumakas mula sa nasusunog na gusali.





Comments