Ex-GF na kainuman, ginulpi UTOL, 1 PA TODAS KAY KUYA

DEDBOL ang dalawa katao kabilang ang 28-anyos na lalaki matapos silang pagbabarilin ng kapatid ng biktima sa Sta. Cruz, Davao del Sur, kahapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Elmon Galugas, 31, security guard at Mitchie Ababon Panerio, 28, magsasaka at kapatid ng suspek na bumaril sa kanila na si Jaime Ababon Panerio, 38, residente ng Bgy. Tinongtongan, Bansalan.
Batay sa report kay Sta. Cruz Police Station Commander Captain Mary Grace Martinez, nangyari ang pamamaril ng suspek sa bahay ng batang kapatid nito sa Sitio Lower Pogpog, Bgy. Sibulan, pasado alas-2:00 ng madaling-araw.
Nag-iinuman umano ang mga biktima nang dumating sa bahay ng batang Panerio ang suspek na lango sa alak at may bitbit na baril. Agad nilapitan ng suspek ang dating kasintahan nito na nakilalang si Judecel Avergonsado na kasama sa nag-iinuman at pinagsisipa at pinagsusuntok ito.
Matapos ang pananakit kay Avergonsado, roon na pinagbabaril ni Jaime gamit ang .357 magnum na baril ang kapatid nito maging si Galugas. Naisugod pa sa ospital ang dalawa subalit, nasawi rin ang mga ito.
Sumuko naman ang suspek sa pulisya makaraan ang ginawang pamamaril. Sa interogasyon ng mga imbestigador, nagawa umano ni Jaime ang krimen dahil sa matinding pagseselos kay Galugas na nanliligaw sa dati nitong karelasyon na si Avergonsado.





Comments